Noong pangalawang araw ng pagkikita sa klase kong CW 140, pinadala kami ng bagay na para sa amin ay interesante.
Agad na pumasok sa isip ko ang aking mga librong pambata. May kakaibang kasiyahang idinudulot sa akin ang mga aklat na iyon. Dinala ko si Pilong Patagu-tago ni Kristine Canon. Kinakabahan ako habang ipinapaliwanag kung bakit ito ang dala ko. Matapos ang pautal-utal na pag-i-Ingles ay pinilit nila akong magkuwento. Ginawa ko naman.
Sa pamamalagi ko sa Kolehiyo ng Edukasyon, partikular na sa Dept. of Reading Education, hindi ko na namalayan na unti-unti na pala akong nangongolekta ng librong pambata.
Nagsimula ang paglalakbay ko sa mundo ng Panitikang Pambata noong makapakinig ako ng mga pagkukuwento ng Alitaptap Storytellers sa programang Wan Dey, Isang Araw na ibino-broadcast sa 702 DZAS.
Wala pa ako sa kolehiyo nang una kong marinig si Dr. Luis Gatmaitan bilang host ng programa. Sinabi ko sa sarili ko noon, na gusto ko ring magpasaya ng mga bata sa paraan ng malikhaing pagkukuwento.
Sa pangalawang taon ko sa kolehiyo, nagpalit ako ng kurso. Mula secondary education patungong elementary education. Naimpluwensyahan ako ng mga Reading majors mula sa UP Educators' Circle at syempre pa sinusugan ito ng umuusbong na pagkahilig ko sa panitikang pambata.
Mas naging makulay ang paglalakbay ko nang kunin ko ang kursong EDR 121-Children's Literature ni Prof. Portia P. Padilla. Dagdag pa ang EDR 110 at EDLR 101 na siya rin ang guro. 4 na oras at 30 minutong siya ang kasama namin (4 kaming PPP majors nung semestrong yon.)
Sa EDR 121 ko nakilala sina John Newbery, R. Caldecott, Tito Doc, Tuko, Pilo, at kung sino-sino pa. Nakapasok ako sa mundong walang kasing tingkad ang kulay. Dito, napaigting pa lalo ang pagnanasa kong maging "advocate" ng panitikang pambata.
Bukod pa sa mataas na marka (na sobrang nagpapasalamat ako) na nakuha ko, isa sa 'di ko malilimutang karanasan sa mundo ng panitikang pambata ay ang pagsali ko sa 3rd Alitaptap Inter-College Storytelling Competition.
Sa patimpalak na iyon ay unti-unting nalupig at nilulupig nina Pilo at ng kanyang mga kaibigan ang takot ko sa pagharap sa maraming tao. Laking pasasalamat ko sa paggabay ng mga taga-Alitaptap at syempre nina Ate Michelle (na siyang nagkampeon), Kuya Miko at syempre ni T. Portia.
Noong nasa workshop kami bago ang kompetisyon, nagtanong si Sir Nolo Silayan, pangulo ng Alitaptap, kung ano bang meron kami na magpapanalo sa amin. Karaniwang sagot ng iba ay--may background ako sa theater, naging parte na ako ng mga productions...yada yada.
Samantalang ako, "advocacy lang po yung sa akin". Naks! Galing sa puso ang sagot ko. Walang pag-iimbot at may buong katapatan. Pero sabi ni Sir Nolo, hindi sapat ang "passion", dahil isa yung kompetisyon. Tama naman siya. Pero, "passion" pa rin ang namamayaning motibasyon ko.
Hindi naman ako binigo ng "passion" ko. Kahit papaano ay naiuwi ko ang ikalawang puwesto.
May iba pang nakakatawa at nakakatuwang kuwento noong araw ng kompetisyon sa World Trade Center. (Abangan na lamang sa susunod kong post.)
Matapos ang patimpalak, nadagdagan ang tiwala ko sa sarili--na kaya ko ring maging magaling na kwentista sa mga bata. Hindi ko na hinihindian ang mga imbitasyon ng pagkukuwento gaya na lamang ng mga seminar sa aming kolehiyo. Naging estratehiya ko na rin ito sa pagsisimula ng ulat sa klase. At isang libangan ko na ang pagbabahagi ng kuwento sa mga pinsan ko na walang sawang pinapaulit-ulit ang kuwento ni Pilo, Tuko, Raquel, Og at ng mga kabarkada nila.
Noong araw na dinala ko si Pilo sa CW 140 class ko, naging madamdamin ang pagpapaliwanag ko kung bakit mahalaga sa akin ang mga kinokolekta kong libro. May mas malalim pa na pinag-uugatan ang pagkahilig ko sa kanila.