Hunyo na (at hindi nalipat ng Setyembre), pasukan na naman. Dati-rati, kwaderno, mga panulat ang inihahanda ko.
Nami-miss ko ang pagtatahi ng mga de-spring na notbuk gamit ang karayom na pang-cross-stitch; ang pagdidisenyo ng unang pahina ng notbuk--pangalan ng asignatura, pangalan ko at guro ko; pagko-cover ng mga notbuk na kailan ko lang naperfect; pagtatasa ng lapis bago ihiga sa pencil case at pangungulit sa nanay ko na bilihan ako ng bagong bag at uniform.
Pero, ngayon, kahit ako na 'yong titser na mag-i-inspect kung kumpleto ang gamit ng mga bata, lalong sumidhi ang kasabikan ko na pumasok sa paaralan. Tulad ng unang taon ko bilang guro, na-e-excite pa rin ako na bumalik sa paaralan at makita ang mukha ng mga dati at bagong estudyante.
At bilang isang guro, pinaghahandaan ko rin ang bagong taong-pampaaralan gaya ng
- pag-e-evaluate ng mga strengths at weaknesses ko
- paghanap ng solusyon upang ma-improve ang mga dapat i-improve
- syempre ang paborito kong classroom structuring, kung saan ay nagbigay ako ng maikling presentasyon noong training namin. Ididikit na lang ang mga displays na ginawa ko.
- paglilista ng mga istratehiya na pwede kong magamit sa iba't ibang asignatura na ituturo ko
- paghahanap ng mga websites sa internet na pwedeng makatulong sa aking propesyon
- pagbili at pagbabasa ng mga librong pang-titser
Ang sarap maging guro. Ang dami kong natututunan.