Sunday, September 2, 2012

Mabiyayang Biyahe

Ma-gusto ang aking Agosto 2012. Maraming bagong bagay ang naganap sa buwan na ito na sadyang nagpatingkad ng aking ika-24 na taon.

Unang beses kong mag-awol (absence without leave) sa aking graduate program upang bigyang-daan (pansamantala) ang aking kapatid na freshie ngayon sa UPLB. Bilang isang gurong di mapakali (at ayaw makulong ang buhay sa bahay at paaralan), nagdesisyon akong mag-apply sa UP Mountaineers. At sa aking paglilimi-limi ay napagtanto kong ibang klaseng hamon ang pagsali sa organisasyon na ito.

Naibalik ko ang sigla ng aking katawan sa panahon ng aking kabataan. Bilang dating batang laman ng kalye, nakaya ko ang 6.6-km run sa academic oval sa loob ng 39 na minuto (yabang lang). (Salamat sa isang co-applicant na umalalay sa akin sa pagkakataong ako'y nakakaramdam ng side-stitch at uhaw.)



Bukas ay susubukan ko namang takbuhin ang 10 kilometro sa loob ng 75 minuto o mas mababa pa. 

At bilang ang pamumundok ang napili kong isport, kinailangan ko ring matutunan ang ilang mga kasanayan kagaya ng pag-o-operate ng portable stove, pagtatayo ng tent at temporary shelter, tamang paggamit ng bolo, pagpili ng camp site, pagsasaing at pagluluto at paggamit ng trowel.

Nakakapagod at nakakapuyat ang mga gabing kailangan mong magtungo sa UPM tambayan kung may mga pagpupulong at gawain, lalo na't alam mong may mga klase ka pa kinabukasan at kailangan mong maging isang responsableng guro pa rin. Ngunit kapag mahal mo ang iyong ginagawa, hindi mo na alintana ang antok at pagod. Sulit ang bawat sandali.

Ang dami kong napupulot na bagong impormasyon lalo na sa mga environmental lectures. Umaapaw. Kaya naman kinabukasan, ibinabahagi ko sa mga mag-aaral ko nang pahapyaw ang mga bagong kaalamang ito.

Maraming mga bagong kakilala at kaibigan rin ang sumulpot sa phonebook ng aking cellphone at sa friends' list ng aking FB. Nakakatuwang malaman na may kaagapay ka sa iyong byaheng-UPM hanggang Oktubre.



Iba't ibang tao ang iyong makakasalamuha sa bawat akyat. Isa itong magandang pagsasanay sa pakikisalamuha sa mga indibidwal na may kanya-kanyang natatanging responsibilidad. (Ang redundant lang ng aking mga salita.)

Salamat sa Panginoon at sa kanyang magandang plano para sa bawat isa. Nang mag-awol ako sa MA ay inakala ko nang magiging boring ang semestre ko. Salamat sa UPM sa pagbibigay-daan sa aking nangangating mga talampakan.




Salamat sa Panginoon sa pagbibigay sa akin ng lakas ng loob na harapin ang mga hamon na ito ng buhay. Salamat at hinayaan niyang makita ko ang mga tanawing kagaya nito bago pa lumabo ang aking mga mata at rayumahin ang aking mga kasu-kasuan.

Salamat sa paggamit sa UPM upang ipaalala sa akin ang aking mga kalakasan at kahinaan. Dalawang buwan pa bago ako tuluyang maging miyembro ng UPM, ngunit ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa biyayang ibinubuhos niya sa biyaheng ito.

P.S.

Habang nasa kapatagan, gagalingan ko rin ang aking pagtuturo sa mga batang nasa loob at labas ng paaralan.


Shoot! Ang  sarap gawin ng mga bagay na malapit sa 'yong puso.