Sunday, February 24, 2013

Pahinga Muna sa Pamumundok

Magtatatlong buwan na akong hindi namumundok.

Disyembre 2012 ang huling tuntong ko sa kabundukan ng Tapulao. Climax ng aking mountaineering career bilang iyon ang may pinakamahabang lakaran, pinakamasarap na pagkain, pinakamalamig na panahon at pinakamalayo na aking narating sa Luzon.

At 'di na nga muling nasundan. Napag-iwanan na ako ng aking mga kasabayan. Bagamat ganun ang nangyari, masaya pa rin ako. Ito ang saya na dulot ng isang desisyong pinaninindigan. Ang saya na bunga ng matinding pagpipigil sa mga nangangating paa at diwa.

Ayokong ituring na pagkahumaling o addiction ang nangyari sa akin mula Mayo hanggang Disyembre noong nakaraang taon. Hindi naman talaga adik ang tawag sa mga taong isa o dalawang beses umakyat ng bundok kada buwan. Nahalina lang sila.

Sa aking sitwasyon, bilang isang guro, kailangan kong ibalanse ang mga responsibilidad sa trabaho, sa tahanan at sa sarili. Hindi masamang maglakwatsa hanggat hindi ka papasok na puyat sa klase kinabukasan. Pupungas-pungas pa. Ayos lang mamundok hanggat hindi mo napapabayaan ang mga gawain mo bilang miyembro ng pamilya. Ok ang pamumundok, lalo na sa kalusugan at sa pakikipagkapwa, pero h'wag mo ring kalimutang payabungin ang iyong pananampalataya tuwing hindi ka makakadalo sa iyong simbahan. (Hindi ko 'to nagawa dati.)


Kaya naman ngayon, sumasakto na sa akin ang pagtakbo-takbo sa mga lansangan at pagsali-sali sa mga fun run, dahil ngayong bakasyon, ako'y mamumundok na naman.

Ngayong darating na bakasyon, mas malinaw na sa akin kung bakit ako namumundok.