Friday, April 10, 2009

sa wakas, gagradweyt din ako

Sa hinaba-haba man daw ng prusisyon, sa graduation din ang tuloy.
-jerson

Prusisyon

Parang stations of the cross lang yan e. Para kang hinahagupit sa bawat requirement na ipapagawa sa yo. Sa huling istasyon ko nga , muntik-muntikan na akong sumuko at ipagsawalang-bahala na lang muna ang pag-akyat sa bundok ng kalbaryo.

3 INC (incomplete subjects) na magla-lapse na ngayong sem + practicum + EEE 10 + CW 140. Anong hirap, anong hapdi ng pagpasan ng krus sa huling semestre ko sa UP. Sa kabila ng pagnanasa kong makatapos ngayong semestre, lagi pa rin akong minumulto ng kaisipang "kahit h'wag ka munang makamartsa ngayon, mahaba pa ang buhay".

Hagupit

April 3. Deadline ng submission ng grades para sa mga magsisitapos na estudyante. Sa CW 140 (Creative Non-Fiction) ,2 INC subjects pa lang ako may grade. (side story: Sabi ng prof ko sa 140, 3.0 o 5.0 lang pagpipilian kong grado dahil sa dami ng absences ko. Pero, di niya ako binigyan ng 3.0 o 5.0. Wala siyang isang salita. Pero gusto ko naman.)

Latigo

April 4. Tuliro na ako. Magpapasa pa rin ba ako ng requirements kahit lagpas na ng deadline? "Buzzer beater ka kaya? Walang deadline deadline...igapang mo pa..." Lumabas na ang EEE grade...sa wakas (ito kasi ang una kong tinapos). Sige, gapang pa. EDUC 180 (practicum) at EDR 251 (INC) na lang ang koronang tinik at krus ang suot at pasan ko.

Lagot

April 7 Tuesday. Nagpasa ako ng requirements sa EDR 251, kahit 3 lang (sabi ko sa prof ko--ganun ako kadesperado) dahil di ko natapos ang lahat ng requirements. Hindi niya tinanggap, binigyan niya ako ng isa pang korona na kailangang suutin sa gabing yon. Ang ST (supervising teacher) ko naman sa practicum ay di ko na inabutan sa UPIS.

Huling Hininga

Kapag hindi ko nakumpleto grades ko ngayong araw na 'to, tiguk na ang pangarap kong grumadweyt sa Abril 24 at 26. Patay, Half-day lang pala ang office. Tawag dito, text do'n sa mga prof. Habang di magkandaugaga, nanalangin ako sa aking isip. "Lord, ikaw ang nagsimula ng lahat ng 'to, ikaw rin ang tatapos nito 'tay".

Pasko

Pass ako. Pass ako sa hindi pag-gradweyt ngayong sem. Natupad ang pangako at pangarap ni Lord para sa akin. Magtatapos na ako. Ang nag-iisang Elem. Comm. Arts -English major sa 2005 batch. Kahit wala akong naging ka-course sa mga blockmates ko, makakasama ko sa pagtatapos ang 2 pang CE majors na sina Eunice at Lorivi.

Paskong-pasko ang pakiramdam ko habang pauwi ng Bulacan. Habang bumibiyahe, bigla kong naalala ang awiting 'to na likha ni Rommel Guevarra:

O Diyos sa kabutihan Mo
Ako'y naririto upang magpuri Sayo
O Dios sa kabanalan Mo
Malulugod ako
Buhay ay iniaalay ko

[Koro:]
Ikaw lamang ang nagtiwala saakin
O Dios di kita bibiguin
Magtatapat Sayo
Maglilingkod ako
O Dios kay buti Mo.

--isa yan sa magiging graduation songs ko :)

No comments:

Post a Comment