Lubos akong nasiyahan dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay naipagdiwang ko ang NCBD bilang isang guro. Noon ay sumasapat na sa akin ang panonood ng mga pagkukuwento at pagpapapirma ng mga libro sa mga manunulat at ilustrador tuwing ika-20 ng Hulyo.
Pananabik ang unang dumapo sa akin nang mabuo sa isip ko ang mga maliliit na selebrayson na maari naming gawin sa klase. Sumidhi pa ito nang malaman kong nabigyan ang aming paaralan ng limang makukulay na poster para sa naturang pagdiriwang.
Kanina ay ipinagdiwang namin ito. Isang matamis na huni sa akin tuwing maririnig kong binabati ng mga bata ang sarili nila ng "Happy NCBD!"
Sa intermediate level (Baitang 4-6), ginanap namin ang Finals ng Book Trivia Quiz Show. Ang mga katanungan ay nagmula sa mga librong nagkamit ng PBBY-Salanga at Alcala Prize at Palanca Award. Ibinukas ko sa lahat ang maliit naming silid-aklatan (na nasa aming silid-aralan) upang lahat ay makapagbasa ng mga naturang aklat.
Hindi mapapantayan ang ligayang nadama ko tuwing nakikita kong nagbabasa ang mga estudyante namin. Pakiramdam ko, nagawa ko na ang tungkulin ko bilang isang guro ng Pagbasa.
Narito ang ilan sa mahigit 35 katanungan na naisulat ko:
A. Ano ang pangalan ng pinsan ni Raquel na may pambihirang buhok?
B. Saang bayan naninirahan sina Ampalaya at iba pang gulay?
C. Ayon sa kuwentong Xilef, ano daw ang dapat gamitin upang mapigilan ang mga titik sa paglipad?
D. Sino ang sumulat ng aklat na Unang Baboy sa Langit?
E. Ilang dagang-bukid ang nanirahan sa puno sa kuwentong May Alaga akong Puno?
Bukod sa trivia quiz show, nagkaroon din kami ng patimpalak sa pagrerebyu ng mga aklat-pambata. (Ilalahatla ko dito ang ilan sa mga gawa nila.)
Sa high school level naman ay nagsagawa din sila ng boom trivia quiz show mula sa mga pamosong libro ng kanilang henerasyon gaya ng mga gawa ni Bob Ong, Stephenie Meyer,J.K. Rowling at iba pa.
Mapalad ang mga bata dahil mas napapayaman ng mga ganitong pagdiriwang ang kanilang kabataan. Sana, sa mga gawaing tulad nito ay nahimok silang patuloy na mahalin ang pagbabasa. Na sa edad nila ay masabi at mapatunayan nila na "Ang nagbabasa ng libro, laging panalo".
No comments:
Post a Comment