Wednesday, October 16, 2013

Sampung Piso


Sa aming magkakapatid, ako ang paborito ni Tatay.
Kapag sa akin niya binibigay ang pinakamapulang mansanas na pasalubong, hindi p’wedeng umangal si Ate. Kapag sa akin niya inaabot ang dalang pinakamatamis na mangga, maglalaway lang si Kuya. Buti na lang, ako ang bunso.
“Kokoy, nandito na si Tatay. Nasa’n na si Bunso ?”
At pagkauwing-pagkauwi niya galing trabaho, ako ang una niyang hinahanap. Lunes hanggang Biyernes. Walang mintis.
            Parang kidlat naman ako sa bilis na sasalubong. Agad akong magte-teleport sa tarangkahan, magmamano kay Tatay at ibibigay sa kanya ang aking superhigpit at matunog na yakap-halik combo. Sina Ate at Kuya, mapapailing na lang sa panghihinayang.
“Tsk…tsk…Naku, naunahan na naman kami ni Bunso ‘Tay. ”
At magtitinginan silang tatlo na para bang may sikretong tinatago.
            Kokoy Kidlat. ‘Yan ang tawag sa akin ni Tatay. Kapag nagluluto si Nanay at may kulang na sangkap o kung may kailangang bilhin si Tatay sa tindahan, pangalan ko ang una nilang tinatawag. Si Kokoy Kidlat ang superhero ni Nanay at Tatay.
Tuwing kailangan kong magmadali, palihim kong inilalabas ang mga imbisibol na gulong ng tsinelas ko at humaharurot na parang motorsiklo sa tindahan sa may dulo ng kanto. O kaya naman ay gagamitin ko ang aking mga espesyal na pakpak.
            Hindi ko na mabilang kung nakailang utos na si Tatay sa akin. Basta't ang alam ko, hanggat ako ang paborito niyang  superhero , mapupuno  ang alkansiyang kawayan ko. Sa tuwing may iuutos kasi siya, binibigay niya sa akin ang sukling barya. Bentisingko, piso, limang piso,sampung piso--tinatanggap ko kahit magkano. Nangako kasi si Tatay na kapag napuno ko ang alkansya, bibili na kami ng pangarap kong bisikleta.
“Magkano ba ang bisikleta, Tay? usisa ko no’ng minsang pinabili niya ako ng tatlong maliliit na bote ng beer.
“Siguro katumbas ng isangdaang boteng gaya nito“, sagot ni Tatay sabay lagok ng paborito niyang inumin.
            Nang dumating ang kaarawan ni Tatay, higit pa sa sandaang bote ng beer ang nakita ko.
            “Tay, ang daya n’yo naman e. Dapat ako na lang ang pinabili n’yo”, usisa ko. Malamang kung ako ang  bumili ng mga ‘yon, puno na ang alkansya ko.
            “Koy, ‘wag ka nang magtampo. Paglaki mo, ‘pag kayang-kaya na ng superpowers mo ang bigat ng isang case ng beer, ikaw na ang uutusan ko,” sagot niya.
            Patay! Pa’no nalaman ni Tatay na may superpowers ako. Ang galing naman niya!
          Ilang sandali ang lumipas at nagsimula na sina Tatay at ang kanyang mga kaibigan sa pag-inom. Paulit-ulit kong narinig ang--
          Tagay pa pare!…sabay mag-uumpugan ang mga baso na susundan ng halakhakan at hagikgikan.
          Nang gabing ‘yon, hindi muna namin nakasama si Tatay sa hapunan. Sayang! Hindi niya narinig ang napakaingay kong paghigop ng sabaw--mas maingay pa sa halik na dumadapo sa pisngi niya. Hindi rin namin siya nakatabi sa pagtulog. Kaya sa unan ko na lang ibinigay ang superhigpit kong yakap. Mula sa kuwarto, dinig ko ang tawanan nila, mga kantiyawan at pasikatan. Kinalaunan, hindi ko na matukoy ang boses ni Tatay sa boses ng iba. Parang may superpowers na rin siya. Galing ba ‘yon sa iniinom nila? Si Tatay ba ‘yong paputol-putol at paggewang-gewang na nagsabi ng--
          “Pare, wala kayo sa mga anak ko, mababait na, matatalino pa!”
          O siya  ba ‘yong walang prenong nagyayabang ng--
          “Pare, ‘pag ako nanalo sa Lotto, ibibili ko kayo ng isang libong bote ng beer! O ano? Tagay pa! Ang hina mo naman, e. Ha-ha-ha!”
            Tuwing may inuman sa bahay, gamit na gamit ang mga superpowers ko. Pagkapikit ko, nagte-teleport ako papunta sa iba’t ibang lugar. Ikakampay ko ang mga espesyal na pakpak at makikipaghabulan sa mga maiilag na tutubing-kalabaw. Makikipagkarera sa mga maiingay na bangaw. Makikipag-unahan sa mga hindi mapakaling tipaklong. Makikipagtaguan sa mga masikretong salagubang. Makikipagtuos sa mga bubulong-bulong na bubuyog. Makikipag-espadahan sa mga mapupusok na lamok.  At pagdilat ko, walang dudang tumba na si Tatay. Humihilik-hilik at sisinghap-singhap--parang mga insekto na nakalaban ko.
            Tuwing nakainom si Tatay, lumolobo ang kanyang tiyan, namumula ang kanyang mukha, humahaba ang kanyang mga kamay, bumibigat ang kanyang mga kamao, lumalalim at gumagaralgal ang kanyang boses. Nagpapalit-anyo ba siya para maging superhero o kalaban?
 Tuwing lasing si Tatay, hinahagis niya sa mga imbisibol niyang kalaban ang ano mang madampot niya. Ang daya nila….ayaw magpakita.
Maniwala kaya si Tatay kapag sinabi kong may mas madaling paraan para matalo ang mga imbisibol na kalaban? Umiwas sa inuman. Ito rin ang paraan para lumakas ang kanyang katawan, para hindi niya na mabulyawan si Nanay at para hindi na umiyak sina Ate at Kuya kung napapagalitan.
Ano’ng mangyayari sa akin kapag sinabi kong puwede ko siyang tulungan? Mapapagalitan? Mapapalo?  Pa’no ko sasabihin? Kaya ba ng powers ko?
Tuwing lasing si Tatay, naiisip ko na naman ang aking alkansiya. Sinong tutulong sa akin na mapuno ‘yon kapag hindi na nagpapabili ng beer si Tatay?
            Haaay…buhay. Muntik na akong sumuko  sa kahahanap ng sagot sa mga nagbabanggaang tanong sa isip ko.
Buti na lang may superpowers ako, dahil ngayon, may naisip na rin akong sagot sa susunod na utusan ako ni Tatay na bumili ng alak sa kanto.
            “Naku ‘Tay! Sayang! Naubos na po ang superpowers ni Kokoy Kidlat sa ganyang mga utos. Iba na lang po.”
            Sana umepekto.

***



             



No comments:

Post a Comment