Showing posts with label rizal. Show all posts
Showing posts with label rizal. Show all posts

Wednesday, February 25, 2009

Si Rizal At Ang Edukasyon sa Pambansang Transformasyon



Capuyan, Jerson R.
College of Education /BEEd-CA(Eng)
2005-72540
PI 100
Prof. Nelson Turgo

Si Rizal At Ang Edukasyon sa Pambansang Transformasyon

Sa liham ni Rizal, mula sa Alemanya, para sa malapit niyang kaibigan na si Propesor Ferdinand Blumentritt, nabanggit niya na sa sandaling magkaroon na ang Pilipinas ng kinatawan sa korte suprema, babalik siya ng Pilipinas upang magpatayo ng isang paaralan. Hinimok din ni Rizal si Blumentritt na samahan siya sa kanyang hangarin na mabigyan ng magandang edukasyon ang mga Pilipino. (Africa,p.8)

Sinasalamin ng sulat na ito ni Rizal ang mataas na pagpapahalaga ng ating pambansang bayani sa sektor ng edukasyon. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng edukasyon, magiging karapat-dapat ang mga Pilipino sa pagkamit ng ganap na kalayaan. At ito nga ay makakamit hindi lamang sa pagkatuto mula sa karanasan kundi sa pagkatuto din sa loob ng paaralan—sa konyeksto ng pag-aaral.

Nitong nakalipas na mga taon ay ngaing mainit na usapin ang kalagayan ng sistema ng edukasyon sa ating bansa—partikular na ang kalagayan ng pampublikong edukasyon. May ilang nagsasabing nagiging komersyalisado na ito gaya na lamang ng nangyayari sa mga pamantasan at kolehiyong pinopondohan ng ating gobyerno. Mayroon umanong pag-aabondona na nagaganap dahil sa paliit nang paliit ang badyet na iniuukol sa mga eskwelahang ito. Idagdag pa natin ang mga hindi matapos-tapos na mga suliranin sa mababang suweldo ng mga guro, sira-sira at masisikip na silid-aralan, mag aklat na pinuputakti ng mali-maling impormasyon, mga guro na kulang umano sa kaalaman at pagsasanay at kung anu-ano pang samu't saring reklamo sa sektor ng edukasyon.

Kaya naman, hindi na nakapagtataka na marami ang nagkokomento na bumababa na raw ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Idagdag pa sa mga alegasyong ito ang mga balitang “nangungulelat” ang Pilipinas pagdating sa mga rehiyonal na pagsusulit sa Matematika at Agham. Pati na rin ang magandang reputasyon natin sa paggamit ng wikang Ingles ay unti-unti na ring nasisira.

Ang mga problemang ito ay nagresulta pa sa ilang matitinding suliranin gaya na lamang ng lumalaking bilang ng mga Pilipinong hindi nakakatapos ng pag-aaral. Sa dalawampung mag-aaral na Pilipino ay dadalawa lamang ang nakakapagtapos ng kolehiyo. Ang marami sa kanila ay agad nang sumasabak sa mundo ng pagtatrabaho sa mga pabrika at pagawaan kahit na kakarampot na salapi lamang ang kapalit nito. Marahil, ang mga kalagayang ito ay iilan lamang sa napakalawak na obserbasyon upang masabi natin na bumaba na nga ang eduksayon sa ating bansa.

Sa mga nakalipas na taon, iba't ibang solusyon na ang inihain at sinubukan upang mapigil ang paglala ng sitwasyon ng ating edukasyon. Nagkaroon ng pagbabago sa kurikulum na ginagamit ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education o DepEd)--mula Basic Education Curriculum ay naging Revised Basic Education Curriculum ito kung saan ay may apat na pangunahing asignatura na lamang—Ingles, Matematika, Agham at Makabayan.

Maraming pag-aaral na rin ang isinagawa upang matukoy ang ugat ng problema na ito. Sari-saring mga bagay na ang sinubukan, iba't ibang tao na ang nagbahagi ng kanilang mga suhestiyon upang masagip ang papalubog na barko ng edukasyon sa ating bansa. Ang usaping ito ay hindi na bago sa ating pandinig. Naghanap na tayo ng mga posibleng solusyon sa kontemporaryong panahon, ngayon naman ay bakit hindi natin suriin ang kung anong mga bagay ang sinasabi ng ating naklipas.

Noon pa man ay isang malaki at mahalagang usapin na ito. Kung magbabalik tayo sa nakaraan—sa ating kasaysayan—sa paghahanap ng mga posibleng kasagutan ay makatatagpo tayo ng maraming opinyon, ngunit mainam na magtuon tayo sa isang personalidad na may matibay na paniniwala na sa pamamagitan ng edukasyon ay lalaya ang ating bayan-- ang ating pambansang bayani, Dr. Jose P. Rizal.

Ayon kay Eufronio M. Alip, isang bihasa sa pag-aaral kay Rizal, may apat na pangunahing ideolohiyang pang-edukasyon si Jose Rizal. Ito ay ang pagpapaunlad ng moral na katauhan, disiplinang pansarili, panlipunang kabatiran at kahusayan sa mga kursong bokasyonal. Ang isang magandang sistema ng edukasyon, ayon kay Rizal, ay dapat naglalayong itanim ang apat na gintong butil na ito sa bawat mag-aaral.

Para kay Rizal, mahalagang ang bawat estudyante ay mayroong magandang asal at wastong pag-uugali. Sa kanyang sukat para sa mga kababaihan ng Malolos ay nabnggit niya na ang pagkakaroon ng kahanga-hangang mga asal ay kinakailangan upang matawag kang isang tunay na mabuting Kristyano. Binigyang-diin ni Rizal na ito ay makakamit kung idadagdag sa kurikulum ang pag-aaral ng iba't ibang relihiyon, dahil ito ang layunin ng relihiyon. Binigyang-diin din niya ang pagkakaroon ng kodigo ng mga mabubuting gawa gaya na lamang ng mga bagay na iminungkahi niya sa La Liga Filipina. Ang ilan sa mga ito ay ang hindi pagsusugal at hindi pag-iinom.

Kung susuriin ay napakasimpleng bagay lamang nito, ngunit napakahirap naman isakatuparan. Naitatanim kaya sa puso ng bawat isa na hindi lamang kaalaman para tumalino ang ating kailangan kundi pati rin ang kabutihan? Aanhin ng ba natin ang matatalino at magagaling na guro kung wala namang puso sa paggawa ng kabutihan sa kapwa? Ang mga ito ay ilan lamang sa mga katanungan na maaaring masambit ni Rizal sa ating kapanahunan.

Ang ikalawang bagay na nais ipaunawa ni Rizal ay ang paghubog ng isang henerasyon na may disiplina sa sarili. Marahil ay nakita ni Rizal ang kabutihang naidulot nito noong siya mismo aynag-aaral din. Ayon sa mga malalapit na kaibigan at kasambahay ay mahigpit na sinunod ni Rizal ang isang iskedyul ng mga gawain na siya rin ang gumawa. Mula paggising sa ganap na ika-apat ng umaga ay tuluy-tuloy na ito sa pag-uukol ng oras sa mga kapaki-pakinabang na gawain hanggang sa oras ng pagtulog, bandang alas-diyes ng gabi.

Ang bagay na ito ay sadyang mahirap ipaunawa sa mga bata, ngunit kung maipapaalam sa kanila ang kabutihang naidudulot nito ay hindi imposibleng maiukit ito sa kanilang pag-uugali.

Mapapansin na ang unang dalawang ideolohiyang pinanghahawakan ni Rizal ay hindi diretsang sinasagot ang mga konkretong suliranin ng kasalukuyan sapagkat higit pa sa dagliang solusyon ang ibinibigay ni Rizal. Ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili at magagandang-asl ay mga bagay na panghabang-buhay. Kung pag-iigtingin pa ng mga guro ang pagtuturo nito sa pamamagitan ng mga aralin at mabuting ehemplo ay posibleng mabigyan ang isang dakilang transformasyon sa ating bayan.

Ikatlo sa halagahan ni Rizal ay ang pagsususlong ng panlipunang kabatiransa mga paaralan. Importanteng humubog ang mga eskwelahan ng mga mag-aaral na nagmamahal at nagmamalasakit sa bayan. Nadurog ang kanyang puso nang masilayan niya ang ilang Pilipinong mag-aaral sa Madrid na naglalasing at nag-uubos ng oras sa paglilibang. Ang mga ito ay hindi man lamang nagpakita ng pagmamalasakit sa bayan gaya ng pagsapi sa Spanish-Filipino Circle, isang grupo ng mga Pilipino at Espanyol na mag-aaral na nagsusulong mga reporma para sa kabutihan ng mga Pilipino.

Ang imahe ni Rizal, bilang isang Pilipinong nakapag-aral at may pag-ibig para sa bayan ay isang magandang halimbawa na maari nating tularan. Batid niya ang ang mga tungkulin niya sa bansa at handa niya itong gampanan. Marami sa atin ngayon ang agad na nakakalimot na suklian ang bayan na tumulong upang makapag-aral tayo ng libre o sa mababang halaga lamang. Marami ang nagbibingi-bingihan o nagbubulag-bulagan sa pagdarahop ng ating bayan. Nais ni Rizal na imulat natin ang ating isipan sa katotohanan na kailangan tayo ng ating bayan.

Ang ika-apat na ideolohiyang pang-edukasyon ay ang pagpapaunlad ng kahusayan sa iba't ibang bokasyon. Noon pa man ay alam na ni Rizal na hindi lahat ay may intelektwal at pinansyal na kakayahan upang kumuha ng isang bachelor's degree sa kolehiyo. Iminungkahi niya ang pagpasok sa mga vocational schools kung saan ay ituturo sa kanila ang ilang mga praktikal na gawain gaya ng pagmamason, pag-uukit, paghahardin, paghahayupan, pananahi at iba pa. Sa kasalukuyan ay itinatguyod ito ng TESDA. Ang mga Pilipinong may teknikal na kahusayan ay kanilang pinapaunlad upang mabigyan sila ng disenteng hanap-buhay. Ngunit nakalulungkot dahil marami pa rin sa ating mga Pilipino ang hinahamak ang mga taong pumapasok sa ganitong linya ng pag-aaral. Nakatutuwang malaman na nitong nakalipas na taon lamang ay ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang isang pagsusulit upang matukoy kung anong propesyon ang nababagay na kunin ng mga nasa mataas na paaralan kapag sila ay tumuntong na ng kolehiyo. Ayon kay Rizal, dapat ay hayaan ng mga magulang at guro ang mga-mag-aaral na piliin ang bojasyon na nais nilang tahakin.

Bukod pa sa mga ideolohiyang ito, may mga kaisipang pang-edukasyon pa ang binanggit ni Rizal gaya na lamang ng mga dapat na katangian ng isang guro, hitsura ng paaralan, mga asignaturang dapat ituro. Ang ilan sa mga ideya niya ay passe na. Ilan dito ay hindi na angkop sa pangkasalukuyang panahon, subalit ang apat na pangunahing ideolohiya niya ay patuloy pa ring nababagay sa ating panahon kahit ang mga ito ay tinuran ni Rizal ilang dekada na ang lumipas.

Hindi na angkop na sisihin natin ang mga mananakop na Espanyol, Amerikano at Hapones sa kasadlakan ng ating edukasyon. Malaya na nga tayo. Ngunit, marami sa atin ang nakagapos pa rin sa kamangmangan. Marami ang hindi nabibigyan ng magandang edukasyon. Marami ang nalumon sa kahirapan dahil sa kamangmangan. Isang hamon sa lahat ang kalagayang ito. Wika nga ni Rizal—ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ngunit paano magiging pag-asa ng bayan ang kabataang walang alam. Hindi pa huli ang lahat. May magagawa pa tayo, gaya ni Rizal, sa ating munting kapamaraanan.

Sanggunian:
Africa, Bernabe
Alip, Eufronio. Alip and Sons. Manila. 1957
Daroy, Petronilo. Rizal Contrary Essays. Guro Books. 1968

Si Rizal At Ang Diaspora ng mga Pilipino



Capuyan, Jerson R.
College of Education /BEEd-CA(Eng)
2005-72540
PI 100
Prof. Nelson Turgo

Si Rizal At Ang Diaspora ng mga Pilipino

Hindi na kaila sa atin ang lumalaking bilang ng mga Pilipino na nangingibang-bayan. Ayon sa Department of Foreign Affairs o DFA ay may humigi't kumulang 700,000 mga Pilipino ang umaalis ng bansa taun-taon. Hindi pa kabilang dito ang mga kababayang ilegal na lumalabas ng bansa sa iba't ibang kapamaraanan.

Magkakaiba ang dahilan kung bakit umaalis ng bansa ang marami sa atin. Pangunahing kadahilanan ay pinansyal na pagdarahop. Kung ihahambing ang sahod ng isang overseas Filipino worker sa Hongkong at ng isang guro sa pampublikong paaralan dito sa Pilipinas ay mas mataas pa ang natatanggap ng nauna. Kaya naman mas pinipili ng iba ang maghanap-buhay sa ibang lupain kaysa ang magpakahirap dito sa Pilipinas kapalit ang kakarampot na suweldo.

Kung mapapansin ay malaking bilang ng mga umaalis sa bansa ay mula sa mahihirap na pamilya. Kasabay ng paglapag ng kanilang mga paa sa dayuhang lupain ay ang pag-asang maiaaahon nila sa kumunoy ng kahirapan ang mga kapamilyang iniwan sa Pilipinas.

Sa isang survey na isinagawa ng Pulse Asia Incorporated, napag-alaman na isa sa bawat limang Pilipino ang nagnanais na ring umalis ng Pilipinas upang maghanap ng mas magandang buhay sa ibang bayan. Marami ang nabahala sa resulta ng naturang survey dahil karamihan sa mga gustong umalis ng bansa ay mga nakapag-aral at nasa pang-gitnang uri ng lipunan.


Nitong nakalipas lamang na taon ay isa sa mga kamag-aral ko sa hayskul ang nabalitaan na lamang namin na nasa Canada na. Ang kanyang ina ay matagal nang nagtatrabaho doon, kaya naman siguro ay naisipan na rin nitong kunin silang maagkakapatid. Nalungkot kami sa pag-alis niya subalit sa kabilang banda ay inisip rin namin ang kasiyahang idinulot ng muling pagkakasama nila. Ang mga eksenang tulad nito ay isa lamang sa mga patunay na ang pag-alis ng mga Pilipino o diaspora ay isang pambansang usapin na at dapat bigyang-pansin.

Isa mga isyung ipinupukol sa mga Pilipinong umaalis ng bansa at doon na naninirahan ay ang kawalan nila ng pagmamahal sa bayan o nasyonalismo. Masasabing isang kabalintunaan ang ganitong pahayag. Ang desisyon ng isang Pilipino na manirahan sa ibang bansa ay hindi isang sukatan kung gaano niya kamahal ang Pilipinas. Maging ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi isang senyales na wala kang paniniwala na maaring magkaroon ng isang maginhawang buhay sa bansa.

Isang konkretong halimbawa ay ang karanasan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Si Rizal ay nagtungo sa iba't ibang bansa sa mundo upang magpakadalubhasa. Siya ay nagmula sa isang mayamang pamilya kaya naman ay nagawa niyang maglakbay sa maraming bansa sa Europa, Asya, at Amerika. Ngunit, hindi lamang pansariling hangarin ang nagbunsod sa kanya upang mamalagi sa ilang mga bansa. Nag-aalab pa rin sa kanyang puso ang pag-ibig sa inang bayan. Nais niyang matunghayan ang mga kaunlaran na mayroon ang Kanluran upang magkaroon siya ng ideya kung anong mga bagay ang salat pa ang ating bayan. Sa ilang taong pamamalagi ni Rizal sa ibang bayan ay hindi siya nakitaan ng pagtataksil sa bayan. Kailanma'y hindi niya itinatwa ang kanyang lahing pinanggalingan. Sa katunayan ay mas naipakita niya ang kanyang pagiging makabayan nang siya ay nasa lupain ng mga dayuhan dahil walang sumisikil na mga Kastila sa kanya sa pagpapahayag ng kanyang pag-ibig sa bayan.



Naipakita pa rin ni Rizal ang pagiging makabayan kahit wala siya sa lupang-tinubuan. Ito ay isang mahalagang bagay na dapat matutunan ng maraming mga Pilipino na nandarayuhan. Noong si Rizal ay nasa Espanya ay sumapi siya sa isang grupo ng mga Pilipino at Espanyol na nagsusulong ng mga reporma para sa kabutihan ng mga Pilipino. Ito ay ang Circulo Filipino-Hispanico. Gayundin ay kasama si Rizal sa patnugutan ng La Solidaridad, kung saan ay nakasama niya sina Graciano Lopez-Jaena, Marcelo H. del Pilar at ilan pa sa pagkatha ng mga akdang nagpapahiwatig ng pagmamahal sa bayan at pagtuya sa maling pamamalakad ng mga dayuhang Kastila sa Pilipinas.

Nakatutuwang malaman na naipagpapatuloy pa rin ang mga ganitong samahan sa kasalukuyan. May mga komunidad ng mga Pilipino sa iba't ibang estado. Sa mga pagkakataong nagkikita-kita sila at ipinagbubunying Pilipino pa rin sila sa puso at isipan bagamat nasa ibang bayan sila.

Sa panahong nasa Europa si Rizal ay naging napakaproduktibo din niya. Ang pag-aala-ala sa kalagayan ng Pilipinas noong panahong iyon ang naghimok sa kanya upang isulat ang kanyang walang kamatayang mga nobela na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Malaya niyang ikinatha ang pampulitikang kalagayan ng bansa at gayundin ay naghain siya ng kanyang mga opinyon at solusyon.

Sa konteksto ng panahon ni Rizal ay nakabuti ang kanyang pag-alis dahil lumawak ang kanyang kaalaman at mas lalo niyang naunawaan ang kahalagahan ng edukasyon sa pagkamit ng kalayaan para sa bayan. Subalit sa kasalukuyan, may mga nagsasabing marami ring hindi magagandang naidudulot ang pag-alis ng mga Pilipino sa Pilipinas.

Isa na rito ay pagkakahiwalay ng mga kasapi ng pamilya. Sa isang awitin ng Smokey Mountain ay nasambit ang mga sumusunod na linya:

Mama's a maid in London / I want to believe that she's fine / She could be lonely in London / I want to know why she had to go / I need her, I want to be near her / I've got to be with her / And see to it that we're together once more //

Masakit para sa isang magulang ang iwanan ang kanyang mga anak. Ngunit mas masakit para sa isang anak ang iwanan ng isang magulang. Ito ang naunawaan ko sa awitin. Subalit, kung tatanungin natin ang isang magulang, mas masakit para sa kanya ang hindi mabigyan ng magandang bukas ang kanyang anak, kaya mas pinili niyang kumita ng malaking halaga sa ibang bansa.

Isa pang negatibong epekto ng diaspora ay ang brain drain. Dumarami ang bilang mga propesyonal gaya ng mga doktor, nars, guro, inhinyero ang umaalis ng bansa sa pag-asang mas masusuklian ng karapat-dapat na halaga ang serbisyong kanilang ibibigay sa mga first world countries gaya ng Amerika, Inglatera, Canada at Hapon. Habang tumataas ang bilang ng mga mahuhusay na mga propesyonal ay papaliit naman ang bilang ng mga Pilipinong handang paglingkuran ang mga kapwa Pilipino.

Ang pagiging underemployed ng mga propesyonal na ito sa ibang bansa ay hindi sagwil upang manirahan at maghanap-buhay sila doon. May mga doktor na nagiging nars, may mga gurong nagiging domestic helper.

Sa kabilang banda, may mga positibong epekto rin ang nagaganap na diaspora. Isa na rito ang tulong na hatid sa ekonomiya natin. Ang mga pumapasok na dolyar sa pamamagitan ng remittance ay nagpapatibay sa papalubog rin nating ekonomiya. Ikalawa ay naitatanghal natin sa mundo ang kasipagan at kagalingan ng mga Pilipino. Maraming beses nang hinangaan ng mundo ang kahusayan ng mga Pilipino gaya na lamang sa pagpipinta sa katauhan ni Juan Luna nang manalo ang kanyang Spoliarium sa isang patimpalak. Sa kontemporaryong panahon naman ay kabi-kabila ang pag-ugong ng mga mang-aawit at mga pelikulang Pilipino sa mga patimpalak at film festivals.

Mahirap na ngang pigilan ang diaspora ng mga Pilipino. Lalo pa't ngayon ay halos hindi na isang malaking isyu ang diskriminasyon ng lahi, hindi katulad ng kapanahunan ni Rizal kung saan ay may mga biases ang mga tao sa kanya-kanyang lahi. Ngunit may magagawa pa ang pamahalaan upang hindi dumating ang araw na iilang magagaling na Pilipino na lamang ang natitira sa Pilipinas at pinaglilingkuran ang iilang mga Pilipino lamang. Kung maaayos lamang ang ekonomiya ng bansa, kung mababawasan ang pamumulitika at korapsyon sa pamahalaan ay mahihimok pa ang maraming Pilipino na mamalagi na lamang sa Pilipinas at paunlarin ang mga yaman na mayroon tayo.

Para naman sa mga kababayang nasa ibang bayan, patuloy na pag-alabin ang pagmamahal sa bayan—na ang bawat sakripisyong kanilang ginagawa ay iniaalay nila sa pamilya at bayan. At kagaya ni Rizal, sila ay magbabalik bayang sinilangan dala-dala ang salapi, kaalaman at karanasan na magpapaunlad pa sa ating bayan.




Sanggunian:
Africa, Bernabe
Alip, Eufronio. Alip and Sons. Manila. 1957
Daroy, Petronilo. Rizal Contrary Essays. Guro Books. 1968