Wednesday, November 18, 2009

TOPPING THE LET

I dream of topping the LET ( Licensure Examination for Teachers), a feat that most (if not all) teachers want to achieve. After coming short of graduating with honors, I made a vow to myself that I would aim to make it to the cut (top 10, at least).



Ambitious.



I sometimes joke my batch mates about having them as my rivals in the April 2010 test. We even  seem to plot a conspiracy, that we would dominate the top spots.But, I am still clueless if I would be making it. April is nearing yet I haven't opened any reviewer.



Just yesterday, the October 2009 LET result came out. I was as excited as the ones who took the test. I was so eager to know who those who copped the top spots. I am always expecting a former classmate/orgmate/batchmate to be in the top 10. And yes, they haven't failed me. A close friend, Carina Cenidoza, got the 2nd spot in the elementray, together with college friend Christine Gapuz and former orgmate Ate Leah in the secondary top 10. (Side story: Days after the exam, Carina told me that she was clueless if she would pass the exam, the same thing that Lorivi, the April 2009 big winner in the elementary, relented),





My warmest congratulations to them!

Sigh.I need to have the right motives. I need to dream with eyes wide-open.

Friday, November 6, 2009

Kamatayan ng Kaibigan



Naghihingalo na ang friendster.

Araw-araw, padami nang padami ang mga taong sinasara na ang kanilang account o 'di kayaý hinahayaan na lang na nakatiwangwang ang mga account nila.



Ang dating isang maingay na karnabal sa gitna ng lungsod ay nagmistula nang isang ghost town. Sa karanasan ko, may mga araw na wala ni isa sa mga 425 na kaibigan ko ang naglalahatla ng bulletin. 'Di tulad dati na binabaha ako ng parehong mensahe araw-araw.



May ilan pa ding nag-a-apdeyt ng kanilang mga profayl. May mga nagdadag ng kaibigan. Pero, bilang sa mga daliri ko ang gumagawa nito.



Bakit nagkaganito?



Kasalanan din siguro ng mga nagpapatakbo ng friendster. Sa panahon natin ngayon na parating nakaabang ang mga kakumpetensiya sa kanya-kanyang industriya, naging mabagal ang pagresponde nito. Walang masyadong interaksyon gaya ng mga laro, chat at kung anu-ano pang aplikeysyon.



Sa Pilipinas, siguro sa ibang bansa na rin, parang isang mabentang isawan sa UP ang paglipat ng mga tao sa facebook.



Noon, ang akala ko, pang-sosyal lang talaga ang facebook. Karamihan kasi ng mga kakilala kong may account ay mga anak-mayaman (rich kids) kong mga kaklase.



Sa ngayon, masasabi kong pang-masa na ang facebook. Wala namang pinipiling social class ang social networking site na 'to. Hindi ka naman tatanungin sa sign-up kung magkano ang annual family income nýo o kung nakatapos sa ka sa isang prestihiyosong unibersidad. Maaaring maging magkaibigan ang isang hasyenderong pulitiko at isang maralitang Pilipino.



Pero, mahirap pa ring makipagsabayan sa mga may-pera (at kompyuter sa bahay) lalo na kung nagpapalaki ka ng taniman sa farmville o ng kainan sa restaurant city.



Nagsimula, para sa akin, ang facebook bilang social networking site ng mga mararangya, na unti-unting pinapasikip ng masa. Kung magbabalik-tanaw, ganito rin ang pasimula ng istorya ng friendster. Baka naman iisa ang guhit ng palad ng dalawa. (Isama pa natin ang kaso ng multiply).



______________________________________________________________________________

Kung nais mo pa ng mas malalimang pagbasa ukol naman sa uni-unting pag-alis ng mga tao sa facebook, basahin lang 'to :



http://www.nytimes.com/2009/08/30/magazine/30FOB-medium-t.html?_r=2&em

Thursday, November 5, 2009

Operation Sagip-Libro



Marami akong pinatay kahapon. Akma ba namang agawin sa akin ang mga pinakatatangi kong mga libro. Kahit na second-hand ang karamihan sa kanila, mahal ko sila. Papatay kung kinakailangan.



Nagsimula ang lahat nang maisipan kong basahin ang Madame Bovary. Matagal na ring panahon buhat nang makita ko siya sa Booksale. Laking gulat ko nang sumambulat sa akin ang papaubos na na mga pahina ni Madame Bovary. Pinong mga kagat sa gilid ng mga pahina ang tumambad sa akin.



Agad kong inilabas mula sa lumang kabinet (na binarnisan lang para magmukhang bagon) ang lahat ng mga libro ko. Isang nakakapangilabot na tanawin. Daan-daang anay ang nagkukumahog sa pagtakbo para magtago sa lupang-kuwebang-daanan (na mala-tunnel). May ibang sumuot sa gilid ng mga kahoy.



Para akong Red Cross volunteer sa pagtakbo ng mga libro palabas ng bahay. Pagpag dito, punas doon. Nagmistulang naghihingalong mga biktima ng pamamaslang ang mga libro sa dami ng sugat/kagat na kanilang natamo. Paralisado si Annie Dillard. Pilay si Brain Teaser. Pati ang minana ko pang Children's Literature ay di rin nakaligtas sa lupit ng mga insektong 'yon.



May mga galos naman sina Robert James Waller, ang Spelling handbook at si Education Quartely. Habang naliligo sa putik ang marami.



Kailangang maturuan ng leksiyon ang mga haragan, napag-isip-isip ko. Kumuha ako ng kandila, posporo, mga lumang diyaryo ng Inquirer at Bulletin, dust pan at walis-tingting at tambo.



Operation Sagip-Libro.



Sinindihan ko ang mga dyaryo, saka inilapit ang naglalagablab na apoy sa di mapakaling mga anay. Hindi pa ako nakuntento. Pinukpok ko ng walis-tingting ang mga nakawala. Pinatuluan ko rin ng kandila ang ibang sisinghap-singhap pa.



Sa galit ng ibang anay, lalo na yung may mga matutulis na bungangang pangkagat, sinugod nila ako. Ilan lang sa kanila ang matagumpay na nakakapit at nakakagat sa akin. (Gawin daw ba akong kahoy?) Hindi ganun kasakit ang kagat nila, hindi katulad ng mga mapupulang langgam.



Tatlong oras din siguro akong nakipagbuno sa kanila. Hindi ko na ininda ang sakit ng ulo, sipon at ubo na nararamdaman ko nang mga oras na 'yon. Namayani sa akin ang galit sa mga anay na walang patumanggang ngumatngat ng mga libro ko.



Sa huli, kahit na nagapi ko ang karamihan sa kanila, hindi ko magawang humalakhak. Walang maayos na masilungan ang mga libro ko. Dumanak ang tubig-tubig (mula sa tiyan ng mga napirat na anay) sa sahig namin, na kinailangan ko na namang linisin. At nangamoy usok ang buong kuwarto. Gegewang-gewang na din ang kabinet ko.



At lahat ng 'to ay dahil sa mga walang breeding na mga anay na 'yon.

Monday, November 2, 2009

Bakit ka Nagsusulat?

Ambisyoso lang talaga siguro ako.



Wala kaming internet connection sa bahay. Desktop computer nga wala din. (kahit ayaw maniwala ng mga estudyante ko) Pero, tuwang-tuwa ako tuwing may bagong akda akong naililimbag sa blog na 'to.



Sasadyain ko pa ang mga computer shop na nakapaligid sa lugar namin, para lang makapag-internet. Kapag kaharap na ang kompyuter, limang  websites ang una kong bibisitahin.



1. Friendster. Ang nagpasimula ang social networking sa Pilipinas. Karamihan kasi ng mga kaklase ko nung high school ay dito pa rin namamalagi.



2. Facebook. Para naman sa college friends at mga mas tech-savvy na mga kaibigan.



3. Ymail. kahit alam kong walang bagong mensahe sa inbox, binubuksan ko pa rin 'to.



4. Blogspot. Na kasalukuyan mong binabasa at



5. Multiply. Na, sa palagay ko naging  parang pinagsamang blogspot, ym, pero di pa rin ganun kaakit-akit.



Sa limang , naging paborito kong websites, blogspot at multiply ang pinakapinanabikan kong bisitahin at hindi facebook (kahit na may scrabble, pathwords, farmville, restaurant city at kung anu-ano pang applications meron dun).



Iba 'yong pananabik na dumadaloy sa dugo ko tuwing pinupuno na ng mga letrang nagiging pangungusap na nagiging mga talata ang puting espasyo sa harap ko habang sumasayaw ang mga hintuturo ko sa magkabilang kamay.



Iba 'yong pakiramdam na may mga napapakawalan kang mga ideya na nakagapos sa isipan mo. (naks!) Ako kasi 'yong tipo ng tao na kung anu-ano na lang ang iniisip--mababaw, malalim, maputik o malinaw man 'to. Madalas mangyari ang pagninilay-nilay na mga 'to kapag mag-isa ako. Kausap ko ang sarili ko. (minsan, literal ang pag-uusap na nagaganap).



Nakakapag-isip din ako ng mga pwedeng isulat tuwing nasa biyahe ako. Kapag pagod na ang katawan ko sa maghapong pagtuturo, bigla ko na lang papasayahin ang sarili sa paghahabi ng mga kuwento at sanaysay tungkol sa kung anu-ano. At muli, mababawi ko ang lakas na papaubos na.



Minsan, aabuting ng isang linggo o higit pang araw bago tuluyang maging sanaysay ang isang sanaysay. Gayundin sa kaso ng mga  kuwento at tula. Ang hirap isingit sa nagsusumigaw sa ka-busy-han na iskedyul, ang pagtungo sa computer shop para bigyang-buhay ang mga naisip ko. Minsan, kulang lang talaga ang pera pang-internet.  Kaya naman, kapag sumobra nang kaunti ang kasipagan ko, isusulat ko na lang siya sa pang-grade 6 na papel at itatago.



May isang nagkomento sa isang naisulat ko, na sa palagay niya ay gustung-gusto ko ang pagsusulat.Siguro nga. Dahil gusto ko ring marinig ang sarili ko na nag-iisip, na pinapayabong ang kakayahang bigay ni Ginoo.





Sa ngayon, susulat ako tungkol sa mga bagay na magbibigay pa ng mas maraming dahilan sa ibang tao (at sa sarili ko na rin) para mabuhay (at para sulitin ang buhay).





Isusulat ko ang mga karanasang ayokong malimutan.





Susulat din ako ng mga pangarap ko para sa sarili, sa pamilya, sa bansa at sa mundo.





Sumusulat ako ngayon, hindi para sa iba, kundi para sa sarili.

Sunday, November 1, 2009

Kandila Para Ke



Hindi kasama sa pagkabata namin ang pagpunta sa mga sementeryo tuwing dumarating ang Nov.1 o 2.



Wala kaming binibisitang puntod. Walang inaalayan ng bulaklak at wala ring pinagnonobena. Wala kaming inaalayan ng kanin at ulam sa paperplate. Wala din kaming tinitirik na mga kandila sa tarangkahan ng bahay namin.



Nung nasa elementarya pa kaming magkakapatid, naiinggit kami sa mga kapit-bahay naming ang liwa-liwanag ng bahay dahil sa dami ng kandilang nakatayo sa gawing pintuan nila. Nakakainis yung pakiramdam na bahay n'yo lang naiiba.



Kapag tinatanong ko yung mga kalaro ko no'n kung para saan ang mga kandila, magsisimula na ang takutan namin.



Ang bawat kandila daw ay sumisimbolo sa kaluluwa ng namatay nilang kamag-anak.Tanda daw 'yon ng pag-aalaala sa kanila. Ang hindi ko lang mawari, eh, paano kung daan-daan na yung mga kamag-anak n'yo na namatay. Magmumukha yatang tirikan ng kandila sa Quiapo ang bahay n'yo. O 'di kaya, baka pagmulan ng sunog ang bahay n'yo.



Naisip ko, siguro, pili lang 'yong mga kaluluwa na nirerepresenta ng mga kandilang 'yon. Yung mga close lang.



Isa pang dahilan daw ng pagtitirik ng kandila e, para itaboy daw ang mga di-matahimik na kaluluwa (ng mga kaanak o 'yung mga ligaw na kaluluwa). Mas nakakatakot 'tong pangalawa. Isipin mo pa lang na may mga kaluluwa sa paligid mo, kikilabutan ka na.



Bakit ka nila gustong puntahan sa bahay n'yo? Para humingi ng tulong upang makamit ang hustisya? Para lang bumisita at mangumusta? O para lang talaga maghasik ng lagim? Ano pa man ang dahilan nila, hindi pa rin ako sigurado kung alam nila ang bahay n'yo , just in case na lumipat na kayo o nangibang-bansa.



At ano kayang meron sa liwanag mula sa kandila para katakutan ng mga "naglipanang kaluluwa sa lupa"? Takot ba sila sa liwanag dahil namumuhay sila sa dilim? May bendisyon ba ng pari ang mga kandila? (na parang Holy water effect sa mga bampira, aswang at iba pang masasamang espiritu?)



May iba naman akong kalaro na kapag tinanong mo tungkol dito, isang malamyang "Ito kasi 'yong lagi daw ginagawa tuwing Araw ng mga Patay" ang isasagot sa 'yo. Kasama na 'to sa mga tradisyong ipanamana ng mga ninuno natin. Marami talagang ginagawa ang mga bata (lalo na ang mga matatanda) kahit hindi nila alam kung para saan 'yon.





Iba't iba man ang dahilan natin, alam kung tiba-tiba ang mga gumagawa ng kandila tuwing sasapit ang piyesta ng patay.



Marami na ang pagpipiliang kandila ngayon--sari-saring hugis, kulay, laki, at amoy na sila. May korte at amoy kulay pulang rosas. May pigurang-Kristo na kapag sinindihan mo ay parang umiiyak ito. At dahil nag-improve ang pisikal na anyo nito, syempre pati ang presyo bahagyang nakisabay. Kahit nga yung puting kandila na dating mamiso lang, dos na ngayon sa ibang tindahan.



No'ng tinanong ko ang nanay ko kung bakit di kami nagsisindi ng kandila sa labas ng bahay, pinaliwanag n'ya na hindi siya naniniwala sa tradisyong 'yon. Ibinasura niya rin ang paliwanag ng mga kalaro ko. Malamang impluwensiya 'yon ng mga natutunan n'yang turo sa simbahan.



Kaya naman hanggang ngayon, naiinggit pa rin ako sa mga kapit-bahay namin na puno ng natunaw na kandila ang tarangkahan kinaumagahan. Wala akong magawa kundi simutin ang mga ito habang tulog pa sila.