Monday, March 9, 2009

Sabaw

Dahil higit 24 oras na akong gising(dahil sa maraming mga bagay), ibubuhos ko muna ang sabaw at malabnaw ko ng utak. Nang sa gayon ay mabakante at pwede na namang punuin.

Noong Sabado, nalaman ko na tiningnan ng mayapa kong kaibigan ang aking friendster account. 2 lang ang ibig sabihin niyan, una, may pinagsabihan siya ng email at password at ikalawa, isa ba itong kababalaghan? Sana, yung una na lang. Matapos pala ang mahigit 20 araw, hindi na ganoon kabigat ang loob ko sa pagkawala niya. Nabawasan ang dalaw ng kalungkutan kapag naaalala ko siya. At kagabi, natawa naman ako sa nanay ko, dahil nang makita niya sa patalastas si John Lloyd (ingat!), binanggit niya sa akain ang ngalan ni Conrad. Tsk! tsk!

Kahapon, muntik-muntikan na naman akong mapasuong sa isang pakikipagsapalaran. Tinanong ko lang ang drayber na sinakyan ko sa Binondo kung saan ang papuntang Pier 10 (doon kasi nakaparada ang MV Doulos), pero si manong, naging labis na matulungin. Sukat ba naman na hindi ako ibaba ng Lawton, sa halip ay sa Delpan? Do'n daw kasi ang sakayan papuntang Pier 10. Napagasto tuloy ako ng karagdagang 6 na piso.

Kagabi, dumaan akong SM Fairview at bumili ng mga kartulina sa NBS. Napagawi ako sa iskaparate ng mga librong pambata. Wala pa pala yung inaabangan kong mga libro ni Russell Molina. Sabik na akong bumili. Pero mas sabik na akong makita, balang araw, ang sarili kong libro sa hanay na 'yon.

Ngayon, mas sabik na akong matulog. Pero, subalit, datapwat, marami pang kailangang bunuin. Magtuturo pa ako ng 8:15. Tatapusin ko pang banghay-aralin ko pati mga visual aids. Susubukan ko pang kumatay ng isang akda ng kaklase ko sa CW 140. Tapos banghay-aralin na naman para sa EDR 251. Tapos, gusto ko pa sanang dumalo sa Class 102 sa Cornerstone-Robinson. Tapos, balak kong tapusin ang CL 40 at EDSP 124 na mga kapapelan ko. Makakanakaw kaya ako ng tulog. Sana naman. Baterya. Kailangan ko ng enerhiya!

No comments:

Post a Comment