Wednesday, September 9, 2009

Kapit-kapit-bahay

Ngayong taon lang ako nahilig dumalaw sa sementeryo. Noon, ang Nobyember 1 at 2 ay mga ordinaryong araw lang--panahon para sulitin sa pagpapahinga, sa pagbisita sa mga kaklase nung hayskul na sabik ka nang makita.



Ganun ako bilang kaklase, mahilig bumisita sa mga malalapit (at 'di gaano kalapit) na mga mag-aaral at kaibigan. Kaya sanay ako sa lakaran, o sabihin nating lakwatsahan. Sabi nga nila, ang sipag ko daw. Hmmm...siguro, masentimyento lang akong tao. Seryoso pagdating sa usapin na pagkakaibigan. At isa pang malaking salik ay ang pagpasok namin sa magkakaibang paaralan sa kolehiyo.



Isa sa mga madalas kong bisitahin "noon" ay si Conrado Macapulay. Kaibigan ko na siya mula pa nung nasa Grade 3 kami. Magkaibigan kami hanggang sa kasalukuyan. Tuwing kakatok ako sa kanila, tulog 'yon. Gigisingin pa ng mama o kapatid niya. Madalas na ganun ang eksena. Ang karaniwang dalaw ay puno ng kuwentuhan. Acads. Dyaryo. School pride. Current Events. Mga High School classmates. Pagsakay sa FX. Mga mandurukot sa Quiapo. Pinakamasarap sakyan na bus.



Minsan, magyaya ako na dalawin ang iba naming kaklase na malapit sa bahay nila. Sasama 'yon minsan.



Ngayon, bihira na lang ako dumalaw sa kanila. Lumipat na siya (lang) ng "bahay". Maputik ang daan patungo sa nilipatan niyang bahay. Makalat. May mga lantang bulaklak sa paligid. Madamo. Masikip.



Di gaya sa dati nilang bahay. Di gaya dati na sagutan ang pag-uusap.



Pero di ko man,marinig ang tinig niya. Di man niya ako masasamahan sa mga paglilibot ko, patuloy ko pa rin siyang dadalawin. Kakausapin. Ganun naman pagkakaibigan na alam namin.

No comments:

Post a Comment