Habang isinusulat ko ito sa isang computer shop ay pinapatugtog ang How to Save a Life ng bandang The Fray. Kakabasa ko lamang ng mga walls at blog posts ng mga kaibigan tungkol sa matinding pananalasa ng bagyong Ondoy. May ilang bagay na agad pumapasok sa isip ko gaya na lamang ng libro at pelikulang Bridge to Terabithia. OST ng pelikulang yon ang tugtog na naririnig ko ngayon. Bigla kong naalala na sa palabas na nabanggit ay nagkaroon din ng matinding pag-ulan na nagdulot sa pagiging marupok ng lubid. At ito naman ay naging sanhi ng pagkamatay ng bidang batang babae na si Leslie. At kung ikokonekta natin sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, partikular sa Luzon, marami rin ang nasaw dahil sa bagyo. May mga natangay ng agos ng baha, nakulong sa kanilang tahanan at may ibang nawawala pa rin hanggang sa ngayon.
Karamihan sa mga ito ay mga kapus-palad nating kababayan. Sila 'yong mga nakatira sa mga estero, sa ilalim ng tulay, sa tabi ng maduduming ilog o sabihin nating sa squatter's area. Mga bahay nila ay gawa sa pinagtagpi-tagping kinakalawang na yero at mga piraso ng kahoy. Mga bubong ay may pabigat na gulong ng sasakyan o kaya naman ilang piraso ng basag na hollow blocks. Habang nakasakay ako sa aircon na bus kanina, natanaw ko sa daan ang mga kapwa ko na natutulog sa daan, bitbit ang ilang piraso ng gamit. Ganun na ganun ang naiisip ko sa tuwing babasahin ko ang kuwentong His Friend Eric ni Dina Ocampo. Sana, mga muwebles, yero, kahoy lang ang nawala. Sana mga halaman at puno lang ang nalunod. Ngunit sa kuwento, namatay ang batang si Eric dahil natangay ito ng baha. Sana, walang Eric sa kuwento ng bagyong Ondoy.
Gaya ng mensahe ng awiting How to Save a Life, sana kaya nating iligtas ang mga buhay na nasa alanganin. Sana, may maayos na tirahan ang mga Pilipino. Sana, mabasa ng mga nakupo sa gobyerno ang kuwento ni Eric.
No comments:
Post a Comment