Malapit nang magtapos ang Pebrero. At ilang araw na lang, magtatapos na naman ang taong pampaaralan. Pero hindi ko pa rin nangyayari ang isa sa mga bagay na inaasahan ko.
Bata pa lang ako, balingkinitan na ang pangangatawan 'ko. Sa minsang pagbabalasa ng mga lumang larawan, walang pinagkaiba ang pigura ng aking katawan ngayon sa hitsura ko limang taon na ang nakakaraan.
Hindi ko alam kung saan ako may deprensya. Hindi naman ako mahirap pakainin. Halos lahat ng ihain sa 'kin, sinusunggaban ko. Pero bakit wala pa ring pagbabago? Wala rin naman akong karamdamang nangangailangan ng medikal na atensyon (sa pagkakaalam ko).
Dati, sabi ng ilang kakilala, dahil daw sa pagiging "schoolaholic" ko. (Do'n sila nagkamali.) Minsan kasi nalilimutan kong kumain (lalo na kung walang makain), lalo na kung maraming dapat tapusing gawain na kailangang ipasa (bilang crammer naman ako). Siguro rin, dahil sa biyahe. Uwian kasi ako sa Bulacan dati. Minsan, nalilipasan ng gutom. Hindi kasi umuubra ang tubig at Presto creams-vanilla falvor na pan(t)aid-gutom habang bumibiyahe.
Kaya nung makagradweyt ako, sinabi ko sa sarili ko na "Jerson, dapat tumaba ka man lang nang konti sa unang trabaho mo. Bilang, may pambili ka na ng pagkain." Mayo nang winika ko yan sa sarili ko.
E, anong petsa na? Pebrero na. Buto't balat lumilipad pa rin ako. Halos lahat ng mga kaibigan na makakita sa akin, walang ibang komento kundi
"Uy, nagda-drugs ka ba?"
"Sinong, fitness instructor mo?"
"Hanger ka ba? I wanna hang-out with you e."
Dati, akala ko, normal lang ang metabolism ng katawan ko. Pero, parang pabilis siya nang pabilis habang tumatanda ako. Pakiramdam ko, wala pa sa limampung porsyento ng sustansya ng kinakain ko, ang nakukuha ng katawan ko. Kakalungkot.
Tapos akala ko, pag naging guro ako, tataba ako. 'Yon pala, hindi. Tiyak na salik din ang "stress" sa pagpayat o pagtaba ng tao. Hindi kaya maubos-ubos ang mga suliranin sa araw-araw ( na normal lang naman). Isang malalim na haaay talaga sa kapayatan ko.
Sa kabilang banda, may mga magagandang naidudulot din naman yata ang kapayatan. Pero wala na akong balak isa-isahin pa.
No comments:
Post a Comment