Wednesday, December 26, 2012

Jorni sa Tapulao


Hi mam-ser-mam-ser! Bagot? Pagod? May dinaraing na sakit sa tuhod? Puso o pag-iisip? Mt. Tapulao lang ang katapat ng mga 'yan.
Sabi ni Pinoy Mountaineer, 2,037+ MASL daw ito.
Major! High Peak!



Quick trivia: Tapulao ang  pine tree sa wikang Sambal/Zambal.

Ganito. Pumunta kang Victory Liner terminal sa Cubao o Monumento. Maghanda ng Php 375.00 at sabihin sa konduktor na ibaba ka sa Brgy. Dampay-Salaza sa bayan ng Palauig, Zambales. 4-5 hours kang bibiyahe kaya makakaidlip ka pa.

Kung lamigin ka, magbitbit ng makapal-kapal na jacket, scarf, kumot o init ng ulo. May libreng wifi pamatay-oras at musika para makapag-concentrate ka sa pag-e-emote.

Kung marami kang gutom sa katawan, may 1-2 stop overs para mamili at mamili. At umihi na rin.

'Pag pinababa ka na ng konduktor, bumaba ka na. Nando'n ka na kasi sa susunod mong pit stop. Magta-traysikel ka naman sa halos walong kilometro ng mabatong daan patungong jump-off. Foreshadowing ang tawag dito. Kung suwerteng may makakasabay kang 3 pang tao sa trike, tig-Php75.00 lang kayo.  (So Php 75 X 4 = Php 300.00). Tip, pag-aralan ang pagkain ng alikabok kung hindi pa marunong.  Tanungin rin pala si Manong Driver kung p'wedeng mag-top load. Malay mo.

Sa eco-center/jump-off ay iwe-welcome ka ni Ate Krising--ang front desk officer tuwing umaga at waste management officer naman sa gabi. Sa center, p'wede kang maki-# 1 o 2, maki-almusal, maki-kape, maki-bihis at maki-iwan ng ibang gamit. Dito, maglalabas ka rin ng Php 30.00 para sa registration fee at Php 700.00 pambayad sa required guide (mapa-day hike, overnight o multiple day-hike). Fixed ang mga amount na yan. Bawal makipag-bargain. May dalang food si Kuya Guide, pero siyempre, share your blessings.

Pagkatapos ng jorni na ito, manghihinayang ka sa Php 700.00 mo dahil madali lang naman talaga subayin ang daan patungong bunker house at summit. Kaya para masulit ang guideship fee, magtanong nang magtanong sa kanya, magpabuhat ng gamit (kung 'yan ang bulong ng iyong konsensya. Don't worry, nasa job description naman niya 'yon) o gawin s'yang photographer.

Unli assault ang ino-offer ng bundok na ito kaya ihanda ang tuhod sa 18 kilometro ng paglalakad, paggapang at paggulong sa hindi lang mabato, kundi mabatong-mabato na trail.
Kung anong dali ng direksyon, siyang hirap naman ng trail mismo.
Pumili

na ng size

at shape

na gusto mo.

Quick trivia:  Malapad ang trail dahil daanan ito ng mga heavy-duty trucks ng Mineral Treasures Mining Corporation na huling nagmina ng chromite noong  2010. (Sana totoong natigil na nga.) Malaking bahagi kasi ng Tapulao ay forest over ultramafic rock. (Yehes! May naaalala pa rin ako sa mga environmental lectures.) Minimina ang mga ultramafic/ultrabasic rock.
Buti nahanap 'to ni Kuya John.

Hula ko ay sinabuyan nila ng  mga tipak ng bato ang malupang daan para di madulas ang mga sasakyan. Pero sabi ni Kuya Bobby, isang guide, hindi raw. Do'n daw talaga ang mga batong 'yon. Hindi pa rin ako kumbinsido.

Advisable na agahan ang pagti-trek para 'di masyado masunog sa araw. Kung sakaling mauhaw, may 3 water sources na naghihintay. Pinakagusto ko ang 2nd water source dahil sa lakas ng daloy, "linis" at lamig ng tubig. (Kung 'di maselan ang iyong sikmura, sahod na!)

Nang usisain ko ang guide namin na si Mang Juan/Kuya John, 4 na bundok daw ang inakyat namin. Medyo magulo ang mga paliwanag n'ya dahil bago pa lamang siya sa pagga-guide (no'ng Setyembre n'ya lang iniwan ang pagsasaka para maging guide). Ayon kay kuya Bobby na senior guide na sa edad na 23,  heto ang mga lugar na madadaanan (in chronological order):

  • Talakitik
  • Sereno
  • Duyan-duyan
  • Balite
  • Malaat (1st water source)
  • Zigzag
  • Barong Tagalog
  • Lower Tapulao
  • Daska Avenue /Landslide (O ha! May avenue talaga! Named after the driver na naaksidente sa lugar na 'yon)
  • Stack Piles
  • Polta Mayor (Polta is Sambal word for door)
  • Tapulao


Magulo pa rin sa akin kung alin ang bundok at alin ang pauso lang talaga ni Kuya guide. Ang sigurado ako, unlimited ang bato sa Tapulao and they come in all sizes and shapes.

Kung duration naman ng trek ang usapan, relative yan. Kung hard core ka (e' di ikaw na), kakayanin ng  6-7 hours ang ascent at 3-4 hours and descent. Kung  wala ka namang lakad na hinahabol,  add 1-3 hours lang sa mga nabanggit kong oras at siguradong makakarating ka pa ng buhay sa iyong paroroonan.


Quick trivia: Tuwing Enero naitatala ang pinakamalamig na temperature sa Tapulao. Lumelevel sa mga Cordillera mountains. Source: The almost ever-reliable Kuya Bobby.

At mas malamig pa talaga sa nguso ng baboy ang temperature tuwing madaling araw. Pakiramdam ko ay may hawak-hawak akong tipak ng yelo tuwing lalabas ng tent.  Advisable na mag-layering kung 'di kakayanin ng mga natutulog mong body fats ang hagupit ng hamog. Iwasan ang biglaaang pag-inom ng super init na kape.  Napaso ang nilalamig naming dila dahil sabik mainitan.

Mula sa bunk house, mga 40-50 minutes na lang ang final assault patungong summit. Mossy forest na ang labanan dito kaya mas maganda ang vegetation.
Less rocks, more greens!


Ah basta, mukha siyang mahalaga. Pero dahil may mga pine trees, siguro matatawag ding Tropical Lower Montane Rain Forest ang ibang bahagi ng Tapulao. Maraming kayang conifers. Tiba-tiba sa mga nagkalat na pine cones.

Isa sa mga bagay na inaabangan ng marami sa Tapulao ay ang mga tanawin. Kumpleto sa view ng mga isla, kailugan, karagatan, kapatagan at kabundukan ang lugar na ito. Ayon sa sabi-sabi, makikita rin dito ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc dahil nasa tabi lang ito ng West Philippine Sea. Nakakainis lang dahil hindi ito na-identify ni Kuya Guide habang kami'y nagjojorni. Nanghula na lang kami na 'yon 'yong nakita naming mukhang reef.

Somewhere over that island ang Scarborough Shoal.

Ang pinakaaabangan ko sa lahat ay ang sea of clouds tuwing umaga. Nang marating namin ang summit, tumaples pa kami baka sakaling maakit namin si Haring Araw. E itong mga intrimididang mga ulap ay nakikiusyoso, saglit lang nagpakita ang dagat ng mga ulap at 'di pa namin nakunan ng larawan.
Sapat na.

Minsan sa buhay, hindi mo agad nakukuha ang gusto mo. Magandang motibasyon ito upang balik-balikan ang Tapulao. Like 10 days from now.

Buti na lang, may bangin ng mga ulap na nagpakita no'ng pababa na kami sa bunkhouse. Pinatawag ko agad si Chris Tomlin at pinakanta ng Indescribable.


Kung pabalik na kayo ng jump-off, congrats! Mas mabilis na ang descent. Tip, side step, side step din. At piliin ang mga batong tatapakan. Mas malaki, mas maigi. Magbaon ng maraming trail food nang 'di masiraan ng bait. Magpayong pala o mag-sun block. H'wag pa lang pansinin ang mga land mines na iniiwan ng mga unggoy (na mailap sa kapwa unggoy tao ). Tanong ko lang, kailangan talagang sa daan mag-iwan ng bomba?

Alam na.

Makakabili raw ng ganitong bag sa halagang Php180-200.
P'wede pang ipa-customize ang materyales at design.
Kailangan magpre-order.

Pagkarating sa eco-center, maligo na (Php 10.00), magluto at kumain. May mga soft drinks pala sa mini-tindahan ni Ate. Sinuggest namin sa kanya na damihan ang items sa souvenir shop. T-shirt lang kasi na tig-Php 250. Why not display products na gawa sa indigenous materials?  Or the barbecue at banana cue sticks na nagkalat sa daan? Agree naman si ate.

Last na, pabalik ng Maynila, magtatraysikel ulit kayo. Php 400 per trike. Good for 4 persons lang ito ha. Diretso na ito sa Victory Liner terminal sa Iba, Zambales. 16 kilometers. Mga 40-50 minutes. Magdala ng extra foam kung uupo sa pinakalikuran ng trike. Supermegaultra vibration ang naghihintay sa 'yo.

O' ayan. Sana ready ka nang mag-Tapulao. Siya yata ang pinakamataas sa Central Luzon, kaya bragging right din 'pag natapos mo siya.  Siguradong mawawala ang iyong kabagutan, pagod, sakit ng puso, ulo at pag-iisip.

Kung gusto n'yong kunin ang contact numbers ng kanilang tourism council officer para sa kahit ano mang concerns (e.g. schedule, souvenirs), mag-iwan lang ng mensahe sa baba. Kung bet n'yong kuning guide ang nire-recommend ko na si Kuya Bobby, mag-comment lang at ibibigay ko ang numero niya. (Disclaimer: Wala akong porsiyento dito ha.)

Mapagpalang jorni!

Ekstrang Silay sa Tapulao

Anong amphibian ito?

Crawling gem

Ang pamosong world tree

Ang payapa ng ganitong eksena

Zigzag na yata ito o Polta mayor.

Ang 2nd Water Source

Forest Fire na naabutan namin.
May nakita pa kaming mangangasong
may bitbit na patay na usa before this scene.


Isang taos-pusong payo mula sa mga dingding ng bunkhouse.

Para sa itinerary at iba pang bagay tungkol sa Tapulao, bisitahin ang blog nina


1 comment:

  1. Jerson, salamat sa nakakaaliw na post na ito. ang gaganda ng mga larawan. :)

    ReplyDelete