Showing posts with label mountaineering. Show all posts
Showing posts with label mountaineering. Show all posts

Sunday, February 24, 2013

Pahinga Muna sa Pamumundok

Magtatatlong buwan na akong hindi namumundok.

Disyembre 2012 ang huling tuntong ko sa kabundukan ng Tapulao. Climax ng aking mountaineering career bilang iyon ang may pinakamahabang lakaran, pinakamasarap na pagkain, pinakamalamig na panahon at pinakamalayo na aking narating sa Luzon.

At 'di na nga muling nasundan. Napag-iwanan na ako ng aking mga kasabayan. Bagamat ganun ang nangyari, masaya pa rin ako. Ito ang saya na dulot ng isang desisyong pinaninindigan. Ang saya na bunga ng matinding pagpipigil sa mga nangangating paa at diwa.

Ayokong ituring na pagkahumaling o addiction ang nangyari sa akin mula Mayo hanggang Disyembre noong nakaraang taon. Hindi naman talaga adik ang tawag sa mga taong isa o dalawang beses umakyat ng bundok kada buwan. Nahalina lang sila.

Sa aking sitwasyon, bilang isang guro, kailangan kong ibalanse ang mga responsibilidad sa trabaho, sa tahanan at sa sarili. Hindi masamang maglakwatsa hanggat hindi ka papasok na puyat sa klase kinabukasan. Pupungas-pungas pa. Ayos lang mamundok hanggat hindi mo napapabayaan ang mga gawain mo bilang miyembro ng pamilya. Ok ang pamumundok, lalo na sa kalusugan at sa pakikipagkapwa, pero h'wag mo ring kalimutang payabungin ang iyong pananampalataya tuwing hindi ka makakadalo sa iyong simbahan. (Hindi ko 'to nagawa dati.)


Kaya naman ngayon, sumasakto na sa akin ang pagtakbo-takbo sa mga lansangan at pagsali-sali sa mga fun run, dahil ngayong bakasyon, ako'y mamumundok na naman.

Ngayong darating na bakasyon, mas malinaw na sa akin kung bakit ako namumundok.




Wednesday, December 26, 2012

Jorni sa Tapulao


Hi mam-ser-mam-ser! Bagot? Pagod? May dinaraing na sakit sa tuhod? Puso o pag-iisip? Mt. Tapulao lang ang katapat ng mga 'yan.
Sabi ni Pinoy Mountaineer, 2,037+ MASL daw ito.
Major! High Peak!



Quick trivia: Tapulao ang  pine tree sa wikang Sambal/Zambal.

Ganito. Pumunta kang Victory Liner terminal sa Cubao o Monumento. Maghanda ng Php 375.00 at sabihin sa konduktor na ibaba ka sa Brgy. Dampay-Salaza sa bayan ng Palauig, Zambales. 4-5 hours kang bibiyahe kaya makakaidlip ka pa.

Kung lamigin ka, magbitbit ng makapal-kapal na jacket, scarf, kumot o init ng ulo. May libreng wifi pamatay-oras at musika para makapag-concentrate ka sa pag-e-emote.

Kung marami kang gutom sa katawan, may 1-2 stop overs para mamili at mamili. At umihi na rin.

'Pag pinababa ka na ng konduktor, bumaba ka na. Nando'n ka na kasi sa susunod mong pit stop. Magta-traysikel ka naman sa halos walong kilometro ng mabatong daan patungong jump-off. Foreshadowing ang tawag dito. Kung suwerteng may makakasabay kang 3 pang tao sa trike, tig-Php75.00 lang kayo.  (So Php 75 X 4 = Php 300.00). Tip, pag-aralan ang pagkain ng alikabok kung hindi pa marunong.  Tanungin rin pala si Manong Driver kung p'wedeng mag-top load. Malay mo.

Sa eco-center/jump-off ay iwe-welcome ka ni Ate Krising--ang front desk officer tuwing umaga at waste management officer naman sa gabi. Sa center, p'wede kang maki-# 1 o 2, maki-almusal, maki-kape, maki-bihis at maki-iwan ng ibang gamit. Dito, maglalabas ka rin ng Php 30.00 para sa registration fee at Php 700.00 pambayad sa required guide (mapa-day hike, overnight o multiple day-hike). Fixed ang mga amount na yan. Bawal makipag-bargain. May dalang food si Kuya Guide, pero siyempre, share your blessings.

Pagkatapos ng jorni na ito, manghihinayang ka sa Php 700.00 mo dahil madali lang naman talaga subayin ang daan patungong bunker house at summit. Kaya para masulit ang guideship fee, magtanong nang magtanong sa kanya, magpabuhat ng gamit (kung 'yan ang bulong ng iyong konsensya. Don't worry, nasa job description naman niya 'yon) o gawin s'yang photographer.

Unli assault ang ino-offer ng bundok na ito kaya ihanda ang tuhod sa 18 kilometro ng paglalakad, paggapang at paggulong sa hindi lang mabato, kundi mabatong-mabato na trail.
Kung anong dali ng direksyon, siyang hirap naman ng trail mismo.
Pumili

na ng size

at shape

na gusto mo.

Quick trivia:  Malapad ang trail dahil daanan ito ng mga heavy-duty trucks ng Mineral Treasures Mining Corporation na huling nagmina ng chromite noong  2010. (Sana totoong natigil na nga.) Malaking bahagi kasi ng Tapulao ay forest over ultramafic rock. (Yehes! May naaalala pa rin ako sa mga environmental lectures.) Minimina ang mga ultramafic/ultrabasic rock.
Buti nahanap 'to ni Kuya John.

Hula ko ay sinabuyan nila ng  mga tipak ng bato ang malupang daan para di madulas ang mga sasakyan. Pero sabi ni Kuya Bobby, isang guide, hindi raw. Do'n daw talaga ang mga batong 'yon. Hindi pa rin ako kumbinsido.

Advisable na agahan ang pagti-trek para 'di masyado masunog sa araw. Kung sakaling mauhaw, may 3 water sources na naghihintay. Pinakagusto ko ang 2nd water source dahil sa lakas ng daloy, "linis" at lamig ng tubig. (Kung 'di maselan ang iyong sikmura, sahod na!)

Nang usisain ko ang guide namin na si Mang Juan/Kuya John, 4 na bundok daw ang inakyat namin. Medyo magulo ang mga paliwanag n'ya dahil bago pa lamang siya sa pagga-guide (no'ng Setyembre n'ya lang iniwan ang pagsasaka para maging guide). Ayon kay kuya Bobby na senior guide na sa edad na 23,  heto ang mga lugar na madadaanan (in chronological order):

  • Talakitik
  • Sereno
  • Duyan-duyan
  • Balite
  • Malaat (1st water source)
  • Zigzag
  • Barong Tagalog
  • Lower Tapulao
  • Daska Avenue /Landslide (O ha! May avenue talaga! Named after the driver na naaksidente sa lugar na 'yon)
  • Stack Piles
  • Polta Mayor (Polta is Sambal word for door)
  • Tapulao


Magulo pa rin sa akin kung alin ang bundok at alin ang pauso lang talaga ni Kuya guide. Ang sigurado ako, unlimited ang bato sa Tapulao and they come in all sizes and shapes.

Kung duration naman ng trek ang usapan, relative yan. Kung hard core ka (e' di ikaw na), kakayanin ng  6-7 hours ang ascent at 3-4 hours and descent. Kung  wala ka namang lakad na hinahabol,  add 1-3 hours lang sa mga nabanggit kong oras at siguradong makakarating ka pa ng buhay sa iyong paroroonan.


Quick trivia: Tuwing Enero naitatala ang pinakamalamig na temperature sa Tapulao. Lumelevel sa mga Cordillera mountains. Source: The almost ever-reliable Kuya Bobby.

At mas malamig pa talaga sa nguso ng baboy ang temperature tuwing madaling araw. Pakiramdam ko ay may hawak-hawak akong tipak ng yelo tuwing lalabas ng tent.  Advisable na mag-layering kung 'di kakayanin ng mga natutulog mong body fats ang hagupit ng hamog. Iwasan ang biglaaang pag-inom ng super init na kape.  Napaso ang nilalamig naming dila dahil sabik mainitan.

Mula sa bunk house, mga 40-50 minutes na lang ang final assault patungong summit. Mossy forest na ang labanan dito kaya mas maganda ang vegetation.
Less rocks, more greens!


Ah basta, mukha siyang mahalaga. Pero dahil may mga pine trees, siguro matatawag ding Tropical Lower Montane Rain Forest ang ibang bahagi ng Tapulao. Maraming kayang conifers. Tiba-tiba sa mga nagkalat na pine cones.

Isa sa mga bagay na inaabangan ng marami sa Tapulao ay ang mga tanawin. Kumpleto sa view ng mga isla, kailugan, karagatan, kapatagan at kabundukan ang lugar na ito. Ayon sa sabi-sabi, makikita rin dito ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc dahil nasa tabi lang ito ng West Philippine Sea. Nakakainis lang dahil hindi ito na-identify ni Kuya Guide habang kami'y nagjojorni. Nanghula na lang kami na 'yon 'yong nakita naming mukhang reef.

Somewhere over that island ang Scarborough Shoal.

Ang pinakaaabangan ko sa lahat ay ang sea of clouds tuwing umaga. Nang marating namin ang summit, tumaples pa kami baka sakaling maakit namin si Haring Araw. E itong mga intrimididang mga ulap ay nakikiusyoso, saglit lang nagpakita ang dagat ng mga ulap at 'di pa namin nakunan ng larawan.
Sapat na.

Minsan sa buhay, hindi mo agad nakukuha ang gusto mo. Magandang motibasyon ito upang balik-balikan ang Tapulao. Like 10 days from now.

Buti na lang, may bangin ng mga ulap na nagpakita no'ng pababa na kami sa bunkhouse. Pinatawag ko agad si Chris Tomlin at pinakanta ng Indescribable.


Kung pabalik na kayo ng jump-off, congrats! Mas mabilis na ang descent. Tip, side step, side step din. At piliin ang mga batong tatapakan. Mas malaki, mas maigi. Magbaon ng maraming trail food nang 'di masiraan ng bait. Magpayong pala o mag-sun block. H'wag pa lang pansinin ang mga land mines na iniiwan ng mga unggoy (na mailap sa kapwa unggoy tao ). Tanong ko lang, kailangan talagang sa daan mag-iwan ng bomba?

Alam na.

Makakabili raw ng ganitong bag sa halagang Php180-200.
P'wede pang ipa-customize ang materyales at design.
Kailangan magpre-order.

Pagkarating sa eco-center, maligo na (Php 10.00), magluto at kumain. May mga soft drinks pala sa mini-tindahan ni Ate. Sinuggest namin sa kanya na damihan ang items sa souvenir shop. T-shirt lang kasi na tig-Php 250. Why not display products na gawa sa indigenous materials?  Or the barbecue at banana cue sticks na nagkalat sa daan? Agree naman si ate.

Last na, pabalik ng Maynila, magtatraysikel ulit kayo. Php 400 per trike. Good for 4 persons lang ito ha. Diretso na ito sa Victory Liner terminal sa Iba, Zambales. 16 kilometers. Mga 40-50 minutes. Magdala ng extra foam kung uupo sa pinakalikuran ng trike. Supermegaultra vibration ang naghihintay sa 'yo.

O' ayan. Sana ready ka nang mag-Tapulao. Siya yata ang pinakamataas sa Central Luzon, kaya bragging right din 'pag natapos mo siya.  Siguradong mawawala ang iyong kabagutan, pagod, sakit ng puso, ulo at pag-iisip.

Kung gusto n'yong kunin ang contact numbers ng kanilang tourism council officer para sa kahit ano mang concerns (e.g. schedule, souvenirs), mag-iwan lang ng mensahe sa baba. Kung bet n'yong kuning guide ang nire-recommend ko na si Kuya Bobby, mag-comment lang at ibibigay ko ang numero niya. (Disclaimer: Wala akong porsiyento dito ha.)

Mapagpalang jorni!

Ekstrang Silay sa Tapulao

Anong amphibian ito?

Crawling gem

Ang pamosong world tree

Ang payapa ng ganitong eksena

Zigzag na yata ito o Polta mayor.

Ang 2nd Water Source

Forest Fire na naabutan namin.
May nakita pa kaming mangangasong
may bitbit na patay na usa before this scene.


Isang taos-pusong payo mula sa mga dingding ng bunkhouse.

Para sa itinerary at iba pang bagay tungkol sa Tapulao, bisitahin ang blog nina


Friday, October 12, 2012

Teka Muna

Oo. Hindi. Teka muna.

Ngayong araw na ito, 
tatalakayin natin ang pariralang 

'teka muna'.

Trivia: Ang teka muna ay mula sa katagang 
'Hintay ka muna' 
Ayon sa aking pagkakaalala. 
may mas magandang paliwanag
Ang mga linggwistiko sa naganap 
na pagbabagong morpoponemiko sa katagang ito. 
Pero sa ngayon, 
sapat na ang mababaw nitong pakahulugan sa akin 
upang manatiling positibo sa kabila ng mga pangyayari.

Teka muna Jerson. 
Masakit ang late-is-late policy na naipataw sa iyo 
lalo na't nasa huling siklo ka na ng iyong UPM application. 
Pero maghintay ka pa. 
Maghanda pa. 
May magandang plano na nag-aabang 
para sa mga marunong maghintay.

Teka muna Jerson. Teka muna.
  



Sunday, September 2, 2012

Mabiyayang Biyahe

Ma-gusto ang aking Agosto 2012. Maraming bagong bagay ang naganap sa buwan na ito na sadyang nagpatingkad ng aking ika-24 na taon.

Unang beses kong mag-awol (absence without leave) sa aking graduate program upang bigyang-daan (pansamantala) ang aking kapatid na freshie ngayon sa UPLB. Bilang isang gurong di mapakali (at ayaw makulong ang buhay sa bahay at paaralan), nagdesisyon akong mag-apply sa UP Mountaineers. At sa aking paglilimi-limi ay napagtanto kong ibang klaseng hamon ang pagsali sa organisasyon na ito.

Naibalik ko ang sigla ng aking katawan sa panahon ng aking kabataan. Bilang dating batang laman ng kalye, nakaya ko ang 6.6-km run sa academic oval sa loob ng 39 na minuto (yabang lang). (Salamat sa isang co-applicant na umalalay sa akin sa pagkakataong ako'y nakakaramdam ng side-stitch at uhaw.)



Bukas ay susubukan ko namang takbuhin ang 10 kilometro sa loob ng 75 minuto o mas mababa pa. 

At bilang ang pamumundok ang napili kong isport, kinailangan ko ring matutunan ang ilang mga kasanayan kagaya ng pag-o-operate ng portable stove, pagtatayo ng tent at temporary shelter, tamang paggamit ng bolo, pagpili ng camp site, pagsasaing at pagluluto at paggamit ng trowel.

Nakakapagod at nakakapuyat ang mga gabing kailangan mong magtungo sa UPM tambayan kung may mga pagpupulong at gawain, lalo na't alam mong may mga klase ka pa kinabukasan at kailangan mong maging isang responsableng guro pa rin. Ngunit kapag mahal mo ang iyong ginagawa, hindi mo na alintana ang antok at pagod. Sulit ang bawat sandali.

Ang dami kong napupulot na bagong impormasyon lalo na sa mga environmental lectures. Umaapaw. Kaya naman kinabukasan, ibinabahagi ko sa mga mag-aaral ko nang pahapyaw ang mga bagong kaalamang ito.

Maraming mga bagong kakilala at kaibigan rin ang sumulpot sa phonebook ng aking cellphone at sa friends' list ng aking FB. Nakakatuwang malaman na may kaagapay ka sa iyong byaheng-UPM hanggang Oktubre.



Iba't ibang tao ang iyong makakasalamuha sa bawat akyat. Isa itong magandang pagsasanay sa pakikisalamuha sa mga indibidwal na may kanya-kanyang natatanging responsibilidad. (Ang redundant lang ng aking mga salita.)

Salamat sa Panginoon at sa kanyang magandang plano para sa bawat isa. Nang mag-awol ako sa MA ay inakala ko nang magiging boring ang semestre ko. Salamat sa UPM sa pagbibigay-daan sa aking nangangating mga talampakan.




Salamat sa Panginoon sa pagbibigay sa akin ng lakas ng loob na harapin ang mga hamon na ito ng buhay. Salamat at hinayaan niyang makita ko ang mga tanawing kagaya nito bago pa lumabo ang aking mga mata at rayumahin ang aking mga kasu-kasuan.

Salamat sa paggamit sa UPM upang ipaalala sa akin ang aking mga kalakasan at kahinaan. Dalawang buwan pa bago ako tuluyang maging miyembro ng UPM, ngunit ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa biyayang ibinubuhos niya sa biyaheng ito.

P.S.

Habang nasa kapatagan, gagalingan ko rin ang aking pagtuturo sa mga batang nasa loob at labas ng paaralan.


Shoot! Ang  sarap gawin ng mga bagay na malapit sa 'yong puso.

Saturday, June 23, 2012

Si Mt. Makiling at ang Limpak-limpak na mga Limatik*

*Hindi ito pamagat ng isang aklat-pambata. At mas lalong hindi ito pambata.

I. Araw ng Kalayaan. 
(photo courtesy of Karina Cenidoza)

Habang ang karamihan ng mga guro ay naghahanda para sa unang araw ng pasukan kinabukasan, ako naman ay naghahanap ng inspirasyon sa kabundukan at nakipaghabulan sa mga limatik--isang uri ng linta--sa Makiling.

II. FC

Ang FC ay para sa

a. Freedom Climb--ang tawag sa mga pag-akyat ng bundok mula June 9-12. Iba't ibang bundok sa Pilipinas ang nabibisita ng mga lakwatserong Pilipinong bitbit pa ang watawat ng Pilipinas para plus points sa props.

b. Feeling Close--na mga limatik. Friendly crawling creatures.

III. Limatik

Mas masarap ang pagliliwaliw sa bundok kung may kaunting aksyon. Ano ba naman ang mabawasan ng ilang cubic centimeter (cc) ng dugo sa pinakanatural na paraan?


IV. Kaibigan

Sa paulit-ulit na pagkapit/ pag-angkas/ pang-aakit ng mga limatik, kaibigan na ang turing ko sa kanila. Sa simula, mandidiri ka pala talaga. Pipitikin mo talaga sila at babasbasan ng sandamakmak na alkohol, pero sa bandang huli, matatanggap mo na rin na ikaw ang turista sa mundo nila. Kaya naman, huwag nang OA sa reaksyon.Ang pinakamatalik kong kaibigang limatik ay 'yong isang muntik na akong halikan.

(photo courtesy of http://www.ivanlakwatsero.com/)

Bukod sa mga limatik, may mga (luma at) bagong mga kaibigan ang nakasama sa traverse na ito mula Sto. Tomas, Batangas hanggang UP Los Baños.

V. Pambihira

Bukod sa mga limatik, maraming mga pambihirang bagay at karanasan ang iniwan sa akin ng Makiling.


Ang hamog na walang sawang nagbigay ng turbo-cool level na lamig


Ang payapang tanawin na ito ng Batangas
Ang totoong pitcher plant
Ang mala-bayabas na bulaklak


Ang marikit na bulaklak sa tuktok ng bundok
Ang mura-na-masarap-pa na kainan--Sulyaw






VI. Sulit

Kinabukasan, saka ko lang naramdaman ang mga lumalagutok na mga kasu-kasuan at pangangalay ng mga kalamnan. Pero, natabunan ang mga ito ng kasabikan ko na magkuwento tungkol sa Makiling (habang nag-iinat-inat).
Peak 3 Tree Shot
VII. Paanyaya

Kaya naman, pangarapin mo na rin ang MakTrav (Makiling Traverse). Siksik at kumpleto sa adventure pero hindi nakakabutas ng bulsa. P'wede mo pang i-trail run ang daan papuntang UPLB. Nararamdaman ko na babalik-balikan ko 'tong bundok na 'to. Masuwerte ang mga taga-UPLB dahil kapit-bahay lang nila si Makiling.

Para sa budgetary at itinerary, maaasahan mo ang mga kuwento nina

a. Pinoymountaineer at
b. Batang Lakwatsero

Ano pang hinihintay mo? Akyat na!

Monday, May 28, 2012

Postcards From Mt. Balagbag

Solo climbing is more fun in Mt. Balagbag.


Para Kay J,
Salamat sa mga ganitong tanawin. Nakakapawi ng pagod.



Para Kay Mama at Papa,

Safe naman palang akyatin ang Balagbag nang mag-isa. Sana sa susunod
na bundok, kasama ko na kayong dalawa.

Para sa Apat na Bagong Kakilala,

Sana makasama ko kayo sa iba pang mga paglalakbay.

Para sa mga Turista,

Nakakapagod mamulot ng basura ng iba. P'wede bang magdala kayo
ng sariling garbage bag sa susunod ninyong punta sa Karahume?

Para Kay Sierra Madre,

Anong sikreto mo? May itinatago ka nga bang mga desaparesidos?

Para Kay Balagbag,

Ang sarap mong akyatin. Magpatangkad ka pa ha.

Para kay Otso-otso,

Sana 'wag kang magbabago.

Para sa Batang nasa Larawan,

Nakakaantok manood ng photo shoot, ano?

Para sa Taong-bayan,

H'wag mag-iwan ng basura sa falls. Bawal umihi  sa tubigan.
Bawal rin isulat sa mga bato ang pangalan ng nobya gamit ang pintura.

Para Kay Rocky River,

Buti na lang 'di ako nagpaa.

Para sa mga susunod na magso-solo climb,

Kayang-kaya n'yo 'to!

Sunday, May 20, 2012

Arayat: Ang Unang Aray



"Ang haraya ay ang pagliliwaliw ng isip, samantalang ang harayat ay ang pagliliwaliw sa BundokArayat."

Sa wakas ay natupad na ang pangarap kong umakyat ng bundok bilang isang lakwatsero. 
Ako sa una kong akyat.

Mapalad ako at Arayat ang unang bundok na naitala ko sa aking kasaysayan. Punung-puno ng mga 'di malilimutang karanasan at tanawin ang inuwi ko pagkababa ng Arayat.

Add caption

Madaling araw ng Linggo nang umalis kami sa isang bus terminal sa EDSA-Cubao. Bilang sabik ako sa unang akyat, alas-dos pa lang ay nasa terminal na ako kahit alas-kwatro na kami umalis. (Php 102.00 ang pamasahe hanggang SM Pampanga.) Kahit mabilis ang biyahe, ay marami kaming napagkwentuhan ni Ninang Mars mula sa mga tsismis na bumabalot sa panitikang pambata hanggang sa planong pag-i-storytelling sa bundok.

Pre-climb
(photo courtesy of Sir Bogart Toledo)

Pagkababa ng SM, dapat ay sumakay ng dyip papuntang Magalang (Php 35.00) at mula sa bayan ay sumakay ng traysikel papuntang jump-off sa Barangay Ayala (Php 70/100.00 kada traysikel) . Pero dahil bihira pa ang dumaraang dyip, napagdesisyunan namin na patusin na ang alok na ihatid kami ng van sa jump-off mismo. Medyo napamahal nga lang kami (Php. 140.00). Pero,sulit naman ang ibinayad sa tulin at lamig ng van. Nabawasan na rin nang ilang kilometro ang paglalakad mula Barangay Hall papuntang paanan ng bundok. (Aral: Magdala ng ekstrang pera.)

Mahaba-habang lakaran din ang Arayat. Inabot kami ng humigit-kumulang na 13 oras. Nagsimula kami ng bandang 7:15 ng umaga, at nakababa (na)ng 9:30 ng gabi. Bakit ang tagal? Bakit nga ba?

1.       Kailangang sulitin ang libreng malinis na hangin.
2.       Hindi p'wedeng palagpasin ang magagandang tanawin.  Dapat laging handa ang kamera.
3.       Masarap magpiknik at magsiyesta sa North peak.
4.       Sadyang mahirap akyatin/gapangin/babain ang matatarik, masasalimuot at madudulas na daan.
5.       Kailangang maghintayan at magtulungan. Kung di mo 'to kayang gawin, mag-solo climb ka na lang.

May mga Stations of the Cross na madadaanan
sa mga unang kilometro.


Ang kapatagan ng Pampanga

Hindi mailap ang ilang mga paru-paro sa tuktok .
Siya rin ba 'to?

Ang mala-Amazon River na Ilog ng Pampanga.

Bilang baguhan, marami akong natutunan tungkol sa mountaineering.

1.       Ang mga terminong  push, proceed, traverse, assault, take five, trail running, day hike, junction, sweeper, waterproofing, social at headlamp.
2.       Ang mga pangalan ng mga bundok sa Pilipinas. Ang mga naaalala ko mula sa mga kwentuhan nila ay Arayat, Manalmon, Balagbag, Pulag, Batulao, Makiling, Pico de Loro at Cristobal.
3.       Natuto akong magbasa ng trail signs. Hanapin lamang ang magkakapatong na tatlong bato o 'di kaya naman ang mga laso sa mga puno na p'wedeng wrapper ng tsitsirya, masking tape o totoong laso. Kapag nasa sangandaan (junction),   piliin ang mas malinis na daan.
4.       Magsuot ng leggings o damit na may mahabang sleeves.
5.       Ma'am at Sir ang tawagan ng mga mountaineers sa isa't isa.


Pinakamahirap na bahagi ng Akyat-Arayat: North-South Peak trail. Ang rappelling sa 90 degrees na bato nang walang gamit na lubid.
(photo courtesy of Sir Bogart Toledo)

Paboritong ulam ng karamihan (kasama na ang aso sa North peak): manok

Pinakanakaka-panic na pagkakataon: Nang biglang bumuhos ang ulan at pababa pa lang kami

Pinakabuwis-buhay na kuha: Ang jumpshot sa ibabaw ng bato kahit bangin na ang nasa likod nito.
(photo courtesy of Sir Ivan)


Good Samaritan Awardee: Si Ate Marlyn at ang kanyang pamilya (mga kasapi ng Back to Christ Foundation) na nagpatuloy sa amin sa compound nila.  Pinaligo kami at nag-alok na ihatid kami ng trak nila pabalik ng bayan ng Arayat.

Php 10.00 ang bayad sa pagligo.
Php 60.00 ang pamasahe sa trak.
Back to Christ compound

Earth Saver Awardee: Si Ma'am Jay na kinarir ang pamumulot ng mga botelya at plastic wrappers. Nakaka-inspire kaya tumulong na rin ako paminsan-minsan.
Isang bagsak para kay Ma'am Jay!
(photo courtesy of Mars Mercado)

Light Packer Awardee: Si Sir Ivan, ang batang lakwatsero. Kumusta naman ang body bag na dala at ang mapaghimalang kalo?


Feeding Program Specialist: Si Ma'am/ Ninang Mars na walang sawang namimigay ng mga kung anu-ano mula sa bitbit niyang sari-sari store. Runner-up si Ma'am Rax.

Official Photographer: Si Sir Migs at ang kanyang de-lenteng kamera.

Pinakamakwento at pinakamabirong Mountaineer(s): Si Sir Nino at Sir Bogart. Biruang walang pikunan.

Pinakabatang Mountaineer: Si Sir Christian at ang kanyang mga tattoo sa magkabilang braso.

Pinakadyaheng sandali: Ang putik na walang sawang kumakapit at nagpapabigat sa sapatos.

Pinakanakakakabang pagkakataon: Ang night trek na sinabayanng mga nakakabahalang mga ingay ng kalikasan.
Dapat walang takot sa dilim.

Pinakanakakainis na parte ng bundok: Ang mga basura at mga bakas ng mga vandals sa mga bato

Pinakamabagal na sandali:  'yong sandaling kita mo na ang mga ilaw sa kabayanan at dinig mo na ang mga sasakyan, pero wala ka pa ring makitang kalsada.

Pinakabanyagang nakasalubong: Ang mga Pranses na naka-shorts at spaghetti straps

(photo courtesy of Maam/Ninang Mars (in pink))

Sa kabuuan, hindi ako binigo ng Akyat-Arayat. Tinumbasan ng bundok na ito ang kasabikan ko para sa mga bagay na kakaiba. Hinigitan pa nga. Kinabukasan, kahit na nahuli sa trabaho at masakit ang mga kasu-kasuan, wala ni isang sandali na pinagsisihan ko ang pagpasok sa ganitong tunguhin sa buhay. Kahit ang pagsalampak sa gitna ng Victory Liner.

Para sa mga nangangarap na umakyat rin sa unang pagkakataon, ang unang hakbang ay ang pagkakaroon ng mga kaibigan/kakilala na mahilig rin dito.

Salamat Ninang Mars sa pagsama sa akin at sa paghahanap ng mga mababait na freelance mountaineers na nakasabay natin.

(photo courtesy of Sir Migs Siena)

Ikalawang hakbang ay ang paghahanda ng sarili. Itsek ang badyet ng pag-akyat. Itsek ang kalusugan. Itsek ang mga gamit na kakailanganin.

At ang huli, alamin ang lugar na pupuntahan. Alamin ang mga suggested itinerary. Magbasa ng mga blog comments ng mga nauna na. Matuto sa karanasan ng iba.

Hayan! Handa ka na!

(photo courtsey of Sir Bogart)