Saturday, October 10, 2009

Bigayan ng Report Card

Kahapon ang unang pagkakataon na nakasalamuha ko ang mga magulang ( at yaya) ng aking mga mag-aaral bilang ako ang taga-payo ng kanilang mga anak.



Hindi ko ikakailang dinaga ang aking dibdib. Maraming p'wedeng mangyari sa apat na oras na paghihintay sa kanila sa nagyeyelong kuwarto namin.



Parent-Teacher Conference din ang nasabing araw. Kaya ito ang panahong maaari silang mangumusta tungkol sa mga anak nila. Kadalasang tanong nila ay "Kumusta naman po ang anak ko?", "May problema po ba kayo sa kanya?", "May mga suggestion po ba kayo para mas sipagin siya na mag-aral?"



Pinaghandaan ko ang araw na 'yon. Inayos ang maliit naming kuwarto--ang mga disenyong tsart, upuan, mga art projects nila, upuan, libro, at mga school supplies na iniwan sa paaralan.



Isa sa mga 'di ko malilimutang paghahanda ay ang pagpapasulat sa mga bata sa pisara ng kanilang mensahe para sa kanilang mga magulang.(Bisitahin ang aking multiply account para sa mga larawan.) Ang mga larawan sa baba, ay sumasalamin sa mga damdamin at katangian ng mga bata, ng kanilang relasyon sa kanilang mga magulang at sa katangian na rin ng mga magulang.



May mga batang madadrama. Humihingi ng kapatawaran dahil minsan ay binibigyan ng alalahanin ang mga magulang. May isang batang hindi magrereklamo kung paluin man siya dahil mabababa ang marka niya. May isang naglagay ng "I love you".



May mga batang nais ng premyo. Humihingi ng blow out dahil sa magagandang grado. Marami ang humihiling na sana ay "proud" si mommy o daddy sa nakuha nilang mga marka.



Sa pangkalahatan, masasabi kong naibuhos ng mga bata sa maliit na espasyo sa pisara ang kanilang mga pagmamahal sa kanilang mga magulang. Ang aktong pagsusulat nila mismo ay tanda ng kanilang pagsisikap upang makapagbigay ng kasiyahan sa kanilang mga magulang na walang pagod na naghahanap-buhay upang mapagkalooban sila ng magandang edukasyon.



Natutuwa ako dahil sa ganitong paraan, nasisiyahan din ang ang mga magulang. Makita ko lang ang ngiti nila matapos suriin ang sulat ng anak, masaya na rin ako. At siyempre nabawasan ang tsansa nila na makipagkuwentuhan sa akin.



Kailangang umisip ulit ako ng pakulo sa susunod na bigayan ng report card.

No comments:

Post a Comment