Nagkasabay tayo kanina sa jeep. Sumakay ako sa SM, at 'yon nga nasa harapan kita, kasama mo ang isang babaeng nakaputi din. Hindi ka pa pala graduate. Bakit kaya? E, sabay naman tayong nag-grade 5.
Wait, natatandaan mo pa ba ako? Classmate tayo nung grade 5 nga. Ito yung panahong nauso ang telebert-telebert tuwing lunch break. Lumaban tayo sa speech choir. Binali ni Mam Aguiluz ang Mongol dahil sa galit. At siyempre yung panahong pinagburda tayo ng disenyo sa unan.
Sabi nila, tomboy ka daw. Pa'no ba naman, laging nakabuka mga binti mo pag nakaupo. Buti na lang mahaba ang checkered mong palda. Minsan naka-dekwatro ka pa.Ang iksi din ng buhok mo, parang gupit na panlalake. Hindi ka rin kasi sumasali sa trade ng stationery namin. Ikaw lang yata sa lahat ng mga babae ang walang collection.
Pero kahit na ganun, di ako naniwala na tomboy ka. Naalala ko pa yung pares mo ng gintong hikaw. Sabi ko sa kanila, "May tomboy ba na naghihikaw?" At saka, ang kinis-kinis kaya ng balat mo, daig pa ang mga nangitim na mga classmate natin dahil sa kakalaro sa initan. Pwede kang commercial model ng lotion o sabon.
Nasabi kong pusong babae ka talaga dahil sa galing mong magburda. Ikaw yata ang binigyan ng ninety-five ni Mam Aguiluz dahil sa napakalinis at pantay-pantay na burda mo ng pulang-pulang rosas sa puti mong tela. Gusto ko nga sanang magpaturo sa'yo, kaso nahihiya ako. Karamihan kasi ng mga kaibigan mo e mga lalake. Baka di mo ko pansinin.
Pagkatapos ng grade 5, di na ulit tayo naging magkaklase. Ba't ka ba lumipat? Siguro nag-private school ka. Mukha ka kasing mayaman.
Biruin mo, kanina lang ulit tayo nagkita ulit mula nang maging kaklase kita nung grade 5. Kahit mahaba na ang buhok mo, nakilala pa rin kita Erna. Maputi ka pa rin. Nakahikaw. Ang ganda mong tingnan sa puting-puting unporme. Natatawas lang ako kasi, bahagya ka lang tumangkad nang huli kitang makita. Ang tulis ng itim mong sapatos ah. Hindi mo na rin ibnubuka ang mga binti kapag nakaupo, di gaya dati.
Babaeng-babae ka na nga kung pumustura, pero bakit nakapulupot ang kaliwa mong kamay sa bewang ng katabi mo. Bestfriend mo? Maganda din siya katulad mo.. At nakasandal pa ulo niya sa balikat mo. Naghinala ako.
Tinang ka kong kausapin ka. Mangungumusta lang. Malay mo, maalala mo pa 'ko. Pero, knowing you, baka magmukha lang akong tanga. Tinitingnan ko kayo, pero di ka man lang tumingin sa direksyon ko. Mabilis ka ba talagang makalimot? Haay...
Bumaba na siya. Hinalikan mo siya sa labi. Awww! Totoo nga.
Mas lalo akong nahiya.
Lalo akong nawalan ng lakas ng loob na kausapin ka. Sana man lang nasabi ko na mula pa nung grade 5 tayo, crush na kita.
Ang iyong dating kaklase,
Rowena
No comments:
Post a Comment