Hindi kasama sa pagkabata namin ang pagpunta sa mga sementeryo tuwing dumarating ang Nov.1 o 2.
Wala kaming binibisitang puntod. Walang inaalayan ng bulaklak at wala ring pinagnonobena. Wala kaming inaalayan ng kanin at ulam sa paperplate. Wala din kaming tinitirik na mga kandila sa tarangkahan ng bahay namin.
Nung nasa elementarya pa kaming magkakapatid, naiinggit kami sa mga kapit-bahay naming ang liwa-liwanag ng bahay dahil sa dami ng kandilang nakatayo sa gawing pintuan nila. Nakakainis yung pakiramdam na bahay n'yo lang naiiba.
Kapag tinatanong ko yung mga kalaro ko no'n kung para saan ang mga kandila, magsisimula na ang takutan namin.
Ang bawat kandila daw ay sumisimbolo sa kaluluwa ng namatay nilang kamag-anak.Tanda daw 'yon ng pag-aalaala sa kanila. Ang hindi ko lang mawari, eh, paano kung daan-daan na yung mga kamag-anak n'yo na namatay. Magmumukha yatang tirikan ng kandila sa Quiapo ang bahay n'yo. O 'di kaya, baka pagmulan ng sunog ang bahay n'yo.
Naisip ko, siguro, pili lang 'yong mga kaluluwa na nirerepresenta ng mga kandilang 'yon. Yung mga close lang.
Isa pang dahilan daw ng pagtitirik ng kandila e, para itaboy daw ang mga di-matahimik na kaluluwa (ng mga kaanak o 'yung mga ligaw na kaluluwa). Mas nakakatakot 'tong pangalawa. Isipin mo pa lang na may mga kaluluwa sa paligid mo, kikilabutan ka na.
Bakit ka nila gustong puntahan sa bahay n'yo? Para humingi ng tulong upang makamit ang hustisya? Para lang bumisita at mangumusta? O para lang talaga maghasik ng lagim? Ano pa man ang dahilan nila, hindi pa rin ako sigurado kung alam nila ang bahay n'yo , just in case na lumipat na kayo o nangibang-bansa.
At ano kayang meron sa liwanag mula sa kandila para katakutan ng mga "naglipanang kaluluwa sa lupa"? Takot ba sila sa liwanag dahil namumuhay sila sa dilim? May bendisyon ba ng pari ang mga kandila? (na parang Holy water effect sa mga bampira, aswang at iba pang masasamang espiritu?)
May iba naman akong kalaro na kapag tinanong mo tungkol dito, isang malamyang "Ito kasi 'yong lagi daw ginagawa tuwing Araw ng mga Patay" ang isasagot sa 'yo. Kasama na 'to sa mga tradisyong ipanamana ng mga ninuno natin. Marami talagang ginagawa ang mga bata (lalo na ang mga matatanda) kahit hindi nila alam kung para saan 'yon.
Iba't iba man ang dahilan natin, alam kung tiba-tiba ang mga gumagawa ng kandila tuwing sasapit ang piyesta ng patay.
Marami na ang pagpipiliang kandila ngayon--sari-saring hugis, kulay, laki, at amoy na sila. May korte at amoy kulay pulang rosas. May pigurang-Kristo na kapag sinindihan mo ay parang umiiyak ito. At dahil nag-improve ang pisikal na anyo nito, syempre pati ang presyo bahagyang nakisabay. Kahit nga yung puting kandila na dating mamiso lang, dos na ngayon sa ibang tindahan.
No'ng tinanong ko ang nanay ko kung bakit di kami nagsisindi ng kandila sa labas ng bahay, pinaliwanag n'ya na hindi siya naniniwala sa tradisyong 'yon. Ibinasura niya rin ang paliwanag ng mga kalaro ko. Malamang impluwensiya 'yon ng mga natutunan n'yang turo sa simbahan.
Kaya naman hanggang ngayon, naiinggit pa rin ako sa mga kapit-bahay namin na puno ng natunaw na kandila ang tarangkahan kinaumagahan. Wala akong magawa kundi simutin ang mga ito habang tulog pa sila.
Hi Jerson, ipagpatuloy mo ang pagsusulat mo. Palagay ko ay may patutunguhan ka sa hinaharap. Basta, sulat lang nang sulat. Iyon lang ang paraan para gumaling ka dito. At isa pa, i-enjoy mo ang ginagawa mo. Dahil ang mga nagbabasa sa sinusulat mo, nararamdaman kung gusto mo ito o napipilitan ka lang. :) Palagay ko, nasa unang kategorya ka.
ReplyDeleteSalamat nang marami, Ms. Beng Alba. Sa Diyos po ang papuri. Hangad ko lang naman ay mahasa ang anumang ibinigay ni Lord. Sayang kasi kung kakalawangin lang. Salamat po ulit sa pagbisita :)
ReplyDeletenaks naman kuya.
ReplyDelete(me ganun?)