Marami akong pinatay kahapon. Akma ba namang agawin sa akin ang mga pinakatatangi kong mga libro. Kahit na second-hand ang karamihan sa kanila, mahal ko sila. Papatay kung kinakailangan.
Nagsimula ang lahat nang maisipan kong basahin ang Madame Bovary. Matagal na ring panahon buhat nang makita ko siya sa Booksale. Laking gulat ko nang sumambulat sa akin ang papaubos na na mga pahina ni Madame Bovary. Pinong mga kagat sa gilid ng mga pahina ang tumambad sa akin.
Agad kong inilabas mula sa lumang kabinet (na binarnisan lang para magmukhang bagon) ang lahat ng mga libro ko. Isang nakakapangilabot na tanawin. Daan-daang anay ang nagkukumahog sa pagtakbo para magtago sa lupang-kuwebang-daanan (na mala-tunnel). May ibang sumuot sa gilid ng mga kahoy.
Para akong Red Cross volunteer sa pagtakbo ng mga libro palabas ng bahay. Pagpag dito, punas doon. Nagmistulang naghihingalong mga biktima ng pamamaslang ang mga libro sa dami ng sugat/kagat na kanilang natamo. Paralisado si Annie Dillard. Pilay si Brain Teaser. Pati ang minana ko pang Children's Literature ay di rin nakaligtas sa lupit ng mga insektong 'yon.
May mga galos naman sina Robert James Waller, ang Spelling handbook at si Education Quartely. Habang naliligo sa putik ang marami.
Kailangang maturuan ng leksiyon ang mga haragan, napag-isip-isip ko. Kumuha ako ng kandila, posporo, mga lumang diyaryo ng Inquirer at Bulletin, dust pan at walis-tingting at tambo.
Operation Sagip-Libro.
Sinindihan ko ang mga dyaryo, saka inilapit ang naglalagablab na apoy sa di mapakaling mga anay. Hindi pa ako nakuntento. Pinukpok ko ng walis-tingting ang mga nakawala. Pinatuluan ko rin ng kandila ang ibang sisinghap-singhap pa.
Sa galit ng ibang anay, lalo na yung may mga matutulis na bungangang pangkagat, sinugod nila ako. Ilan lang sa kanila ang matagumpay na nakakapit at nakakagat sa akin. (Gawin daw ba akong kahoy?) Hindi ganun kasakit ang kagat nila, hindi katulad ng mga mapupulang langgam.
Tatlong oras din siguro akong nakipagbuno sa kanila. Hindi ko na ininda ang sakit ng ulo, sipon at ubo na nararamdaman ko nang mga oras na 'yon. Namayani sa akin ang galit sa mga anay na walang patumanggang ngumatngat ng mga libro ko.
Sa huli, kahit na nagapi ko ang karamihan sa kanila, hindi ko magawang humalakhak. Walang maayos na masilungan ang mga libro ko. Dumanak ang tubig-tubig (mula sa tiyan ng mga napirat na anay) sa sahig namin, na kinailangan ko na namang linisin. At nangamoy usok ang buong kuwarto. Gegewang-gewang na din ang kabinet ko.
At lahat ng 'to ay dahil sa mga walang breeding na mga anay na 'yon.
No comments:
Post a Comment