Monday, November 2, 2009

Bakit ka Nagsusulat?

Ambisyoso lang talaga siguro ako.



Wala kaming internet connection sa bahay. Desktop computer nga wala din. (kahit ayaw maniwala ng mga estudyante ko) Pero, tuwang-tuwa ako tuwing may bagong akda akong naililimbag sa blog na 'to.



Sasadyain ko pa ang mga computer shop na nakapaligid sa lugar namin, para lang makapag-internet. Kapag kaharap na ang kompyuter, limang  websites ang una kong bibisitahin.



1. Friendster. Ang nagpasimula ang social networking sa Pilipinas. Karamihan kasi ng mga kaklase ko nung high school ay dito pa rin namamalagi.



2. Facebook. Para naman sa college friends at mga mas tech-savvy na mga kaibigan.



3. Ymail. kahit alam kong walang bagong mensahe sa inbox, binubuksan ko pa rin 'to.



4. Blogspot. Na kasalukuyan mong binabasa at



5. Multiply. Na, sa palagay ko naging  parang pinagsamang blogspot, ym, pero di pa rin ganun kaakit-akit.



Sa limang , naging paborito kong websites, blogspot at multiply ang pinakapinanabikan kong bisitahin at hindi facebook (kahit na may scrabble, pathwords, farmville, restaurant city at kung anu-ano pang applications meron dun).



Iba 'yong pananabik na dumadaloy sa dugo ko tuwing pinupuno na ng mga letrang nagiging pangungusap na nagiging mga talata ang puting espasyo sa harap ko habang sumasayaw ang mga hintuturo ko sa magkabilang kamay.



Iba 'yong pakiramdam na may mga napapakawalan kang mga ideya na nakagapos sa isipan mo. (naks!) Ako kasi 'yong tipo ng tao na kung anu-ano na lang ang iniisip--mababaw, malalim, maputik o malinaw man 'to. Madalas mangyari ang pagninilay-nilay na mga 'to kapag mag-isa ako. Kausap ko ang sarili ko. (minsan, literal ang pag-uusap na nagaganap).



Nakakapag-isip din ako ng mga pwedeng isulat tuwing nasa biyahe ako. Kapag pagod na ang katawan ko sa maghapong pagtuturo, bigla ko na lang papasayahin ang sarili sa paghahabi ng mga kuwento at sanaysay tungkol sa kung anu-ano. At muli, mababawi ko ang lakas na papaubos na.



Minsan, aabuting ng isang linggo o higit pang araw bago tuluyang maging sanaysay ang isang sanaysay. Gayundin sa kaso ng mga  kuwento at tula. Ang hirap isingit sa nagsusumigaw sa ka-busy-han na iskedyul, ang pagtungo sa computer shop para bigyang-buhay ang mga naisip ko. Minsan, kulang lang talaga ang pera pang-internet.  Kaya naman, kapag sumobra nang kaunti ang kasipagan ko, isusulat ko na lang siya sa pang-grade 6 na papel at itatago.



May isang nagkomento sa isang naisulat ko, na sa palagay niya ay gustung-gusto ko ang pagsusulat.Siguro nga. Dahil gusto ko ring marinig ang sarili ko na nag-iisip, na pinapayabong ang kakayahang bigay ni Ginoo.





Sa ngayon, susulat ako tungkol sa mga bagay na magbibigay pa ng mas maraming dahilan sa ibang tao (at sa sarili ko na rin) para mabuhay (at para sulitin ang buhay).





Isusulat ko ang mga karanasang ayokong malimutan.





Susulat din ako ng mga pangarap ko para sa sarili, sa pamilya, sa bansa at sa mundo.





Sumusulat ako ngayon, hindi para sa iba, kundi para sa sarili.

No comments:

Post a Comment