Monday, December 7, 2009

Noisy, Standing at Behaved

Noong estudyante ka pa, hindi maunawaan kung bakit sa kaunting kibot lang ng mga kaklase mo, parang isang umaatungal na toro na ang titser ninyo. Sa araw-araw na pagpasok mo, walang palya si mam o sir sa kakasabi ng--



a. Tumahimik!

b. Quiet class.

c. Sige pag nag-ingay pa kayo, minus five kayong lahat!

d. Puwede bang bigyan ninyo ko ng kapayapaan?

e. Pun***a.  Sige daldal pa!



     Nakabisado mo na nga ang mga litanya niya. Alam mo ba rin kung kailan siya high-blood o kung kailan naman siya may buwanang daloy. At alam mo rin kung kailan magbabagsakan ang mala-frisbee sa angas na mga plastik na plato at kung ano-ano pang unidentified flying objects mula sa likod ng klase ninyo. Kasalanan ninyo na nakihati kayo sa faculty room.



     Hindi ka naman talaga galit sa kanila, naiirita ka lang sa tuwing magagalit sila at magbubunganga na para kayong mga ipis at daga na nahuling nagnanakaw ng pagkain mula sa imbakan. Naiinis ka noong ipamukha nila sa iyo na isang krimeng maituturing ang pag-iingay.



   Nasa ikalawang baitang ka nang koronahan ang dalawa mong kamag-aral bilang Hari at Reyna ng Kaingayan. Kumpleto sa trono ang mga maharlika mong kamag-aral. Unang taon mo naman sa elementarya nang matikman mo ang manipis na ruler ni maam. Ingay ng iilan, damay ang sambahayan. Hayan tuloy, pinapila ang lahat para tumanggap ng isang lapat ng plastik na panukat. Nangati tuloy ang palad mo, na para bang ibig pang mahagupit.



     Kaya mula nang nasa ikatlong baitang ka, iniwasan mo na ang dumaldal habang may mga guro. Kinailangan mong galingan ang pagtiktik sa paparating na yapak ng mga gurong may dambuhalang tainga, na kahit mahinang kaluskos yata ay naririnig. Natuto kang mag-ipon ng mga kuwento, na kahit gustong-gusto mo nang ipamalita ay hinihintay mo talaga ang uwian  o lunch break kung saan nagsasama-sama ang mga guro mo sa ibang silid.



     Dati kang gano'n. Palihim na prinsipe, kung hindi man hari, ng kadaldalan. Heto ka ngayon, isang guro na din. Kaunting bulungan, sinasalubong mo ng saway. Kaunting hiyawan, pinapantayan mo ng bulyaw. Sandaling hagikgikan, matalim na titig ang katumbas.



     Katahimikan.

     Kapayapaan.

  

     Kalaban ng ingay.



     Katumbas ng init ng ulo, pagkayamot, at simangot. Dagdag kalbaryo sa walang katapusang paggawa ng banghay-aralin, visual aids, pagtse-tsek ng attendance, pagwawasto ng mga pagsusulit, pagmamarka ng mga proyekto, pag-re-research tungkol sa susunod na aralin. Pagharap sa mga reklamo ng mga magulang. Pagdalo sa mga faculty meeting at biglaang pagpupulong sa kung saan-saan.



     Wala ka nang text life. Hindi mo na iniisip ang love life. Isang ideyang abstrak na ang gimik para sa iyo. Masuwerte ka kung mapanood mo ang mga drama sa gabi. Minsan nga, nakakalimutan mo nang magsepilyo bago matulog o magbihis sa damit-pantulog mo. Kadalasan, ayaw kang patulugin ng mga alalahaning pampaaralan. Pero, kinaumagahan, gigising ka pa rin nang maaga.



     Unti-unti mong nauunawaan kung bakit may UFO mula sa likuran ng klase ninyo.Napapa " Ahhh...kaya pala" ka sa tuwing maalala mo ang mga multiple-choice na litanya nina mam at sir para lang mapatahimik kayo.



     Pero bilang isang bago at maka-bagong guro, niluwangan mo na ang sinturon ng kaingayan sa klase. Naging bata ka rin, e. Alam mo kung gaano kahirap pigilan ng ingay. Para namimintog na pantog ang isip at bibig mo; sabik maibahagi ang mga nangyari noong Sabado at Linggo, o kaya naman ang napanood mo sa siyamnapung channel ng telebisyon ninyo.



     Pero kahit na guro ka na, madaldal ka pa rin. Mas madaldal ka pa nga yata sa mga estudyante mo. Kaya tuwing recess o lunch break, nakikipagdaldalan ka sa kanila. Mas lalo kayong nagkakakilanlan, mas lalo kayong napapalapit sa isa't isa.



     Ang maganda doon, walang nagsasalita ng noisy o standing.

No comments:

Post a Comment