Sa aming magkakapatid, ako ang paborito
ni Tatay.
Kapag sa akin niya binibigay ang
pinakamapulang mansanas na pasalubong, hindi p’wedeng umangal si Ate. Kapag sa
akin niya inaabot ang dalang pinakamatamis na mangga, maglalaway lang si Kuya.
Buti na lang, ako ang bunso.
“Kokoy, nandito na si Tatay. Nasa’n na si Bunso ?”
At pagkauwing-pagkauwi niya galing trabaho,
ako ang una niyang hinahanap. Lunes hanggang Biyernes. Walang mintis.
Parang
kidlat naman ako sa bilis na sasalubong. Agad akong magte-teleport sa tarangkahan, magmamano kay Tatay at ibibigay sa kanya
ang aking superhigpit at matunog na
yakap-halik combo. Sina
Ate at Kuya, mapapailing na lang sa panghihinayang.
“Tsk…tsk…Naku,
naunahan na naman kami ni Bunso ‘Tay. ”
At
magtitinginan silang tatlo na para bang may sikretong tinatago.
Kokoy
Kidlat. ‘Yan ang tawag sa akin ni Tatay. Kapag nagluluto si
Nanay at may kulang na sangkap o kung may kailangang bilhin si Tatay sa
tindahan, pangalan ko ang una nilang tinatawag. Si Kokoy Kidlat ang superhero ni Nanay at Tatay.
Tuwing kailangan kong magmadali, palihim kong inilalabas ang mga imbisibol
na gulong ng tsinelas ko at humaharurot na parang motorsiklo sa tindahan sa may
dulo ng kanto. O kaya naman ay gagamitin ko ang aking mga espesyal na pakpak.
Hindi
ko na mabilang kung nakailang utos na si Tatay sa akin. Basta't ang alam ko,
hanggat ako ang paborito niyang superhero , mapupuno ang alkansiyang kawayan ko. Sa tuwing may
iuutos kasi siya, binibigay niya sa akin ang sukling barya. Bentisingko, piso,
limang piso,sampung piso--tinatanggap ko kahit magkano. Nangako kasi si Tatay
na kapag napuno ko ang alkansya, bibili na kami ng pangarap kong bisikleta.
“Magkano ba ang bisikleta, Tay? ” usisa ko no’ng minsang pinabili niya ako ng tatlong maliliit na bote ng beer.
“Siguro katumbas ng isangdaang boteng gaya nito“, sagot ni Tatay sabay
lagok ng paborito niyang inumin.
Nang dumating ang kaarawan
ni Tatay, higit pa sa sandaang bote ng beer
ang nakita ko.
“Tay, ang daya
n’yo naman e. Dapat ako na lang ang pinabili n’yo”, usisa ko. Malamang kung ako
ang bumili ng mga ‘yon, puno na ang
alkansya ko.
“Koy, ‘wag ka
nang magtampo. Paglaki mo, ‘pag kayang-kaya na ng superpowers mo ang bigat ng isang case ng beer, ikaw na ang
uutusan ko,” sagot niya.
Patay! Pa’no
nalaman ni Tatay na may superpowers
ako. Ang galing naman niya!
Ilang sandali ang lumipas at nagsimula na sina Tatay at ang kanyang mga
kaibigan sa pag-inom. Paulit-ulit kong narinig ang--
Tagay pa pare!…sabay mag-uumpugan ang
mga baso na susundan ng halakhakan at hagikgikan.
Nang gabing ‘yon, hindi muna namin nakasama si Tatay sa hapunan. Sayang! Hindi
niya narinig ang napakaingay kong paghigop ng sabaw--mas maingay pa sa halik na
dumadapo sa pisngi niya. Hindi rin namin siya nakatabi sa pagtulog. Kaya sa
unan ko na lang ibinigay ang superhigpit
kong yakap. Mula sa kuwarto, dinig ko ang tawanan nila, mga kantiyawan at
pasikatan. Kinalaunan, hindi ko na matukoy ang boses ni Tatay sa boses ng iba. Parang
may superpowers na rin siya. Galing
ba ‘yon sa iniinom nila? Si Tatay ba ‘yong paputol-putol at paggewang-gewang na
nagsabi ng--
“Pare, wala kayo sa mga anak ko, mababait
na, matatalino pa!”
O siya ba ‘yong walang prenong nagyayabang ng--
“Pare, ‘pag ako nanalo sa Lotto, ibibili
ko kayo ng isang libong bote ng beer! O ano? Tagay pa! Ang hina mo naman, e.
Ha-ha-ha!”
Tuwing may inuman sa
bahay, gamit na gamit ang mga superpowers
ko. Pagkapikit ko, nagte-teleport ako
papunta sa iba’t ibang lugar. Ikakampay ko ang mga espesyal na pakpak at makikipaghabulan
sa mga maiilag na tutubing-kalabaw. Makikipagkarera sa mga maiingay na bangaw.
Makikipag-unahan sa mga hindi mapakaling tipaklong. Makikipagtaguan sa mga masikretong
salagubang. Makikipagtuos sa mga bubulong-bulong na bubuyog. Makikipag-espadahan
sa mga mapupusok na lamok. At pagdilat
ko, walang dudang tumba na si Tatay. Humihilik-hilik at
sisinghap-singhap--parang mga insekto na nakalaban ko.
Tuwing nakainom
si Tatay, lumolobo ang kanyang tiyan, namumula ang kanyang mukha, humahaba ang
kanyang mga kamay, bumibigat ang kanyang mga kamao, lumalalim at gumagaralgal
ang kanyang boses. Nagpapalit-anyo ba siya para maging superhero o kalaban?
Tuwing
lasing si Tatay, hinahagis niya sa mga imbisibol niyang kalaban ang ano mang
madampot niya. Ang daya nila….ayaw magpakita.
Maniwala kaya si Tatay kapag sinabi kong
may mas madaling paraan para matalo ang mga imbisibol na kalaban? Umiwas sa
inuman. Ito rin ang paraan para lumakas ang kanyang katawan, para hindi niya na
mabulyawan si Nanay at para hindi na umiyak sina Ate at Kuya kung
napapagalitan.
Ano’ng mangyayari sa akin kapag sinabi
kong puwede ko siyang tulungan? Mapapagalitan? Mapapalo? Pa’no ko sasabihin? Kaya ba ng powers ko?
Tuwing lasing si Tatay, naiisip ko na
naman ang aking alkansiya. Sinong tutulong sa akin na mapuno ‘yon kapag hindi
na nagpapabili ng beer si Tatay?
Haaay…buhay. Muntik
na akong sumuko sa kahahanap ng sagot sa
mga nagbabanggaang tanong sa isip ko.
Buti na lang may superpowers ako, dahil ngayon, may naisip na rin akong sagot sa susunod
na utusan ako ni Tatay na bumili ng alak sa kanto.
“Naku ‘Tay!
Sayang! Naubos na po ang superpowers
ni Kokoy Kidlat sa ganyang mga utos. Iba na lang po.”