Kasalukuyan kong binabasa ang librong In the Name of Honor na ibinigay ng isang dating guro. Required reading daw to sa EDLR 101, nakalimutan ko na kung ano'ng course description, basta tungkol sa development of language and reading ang kursong 'yon. Naintriga ako. No'ng panahon naman namin, not a very distang past pa naman, ay di kami ni-require na magbasa ng kung anong nobela.
Tungkol ito kay Mukhtaran Bibi, isang Pakistani na ginahasa ng mga kalalakihan mula sa isang tribo ng mas mataas na caste bilang paraan ng pagbabalik-dangal sa kanilang "nasirang" karangalan. Biktima si Mukhtaran Bibi ng balikong tradisyon sa lugar nila kung saan oppressed ang mga kababaihan. Natutunan ko sa librong 'to kung gaano kalala ang sitwasyon sa mga lugar kung saan 'di pantay ang trato sa mga kababaihan at kung ano'ng maaaring mangyari (to the extreme level) sa mga tao, especially sa mga kababaihan, na hindi naturuang bumasa't sumulat--basic skills para tawaging literate ang isang tao.
To cut it short, sa halip na magpakamatay si Mukhtaran at mag-dwell sa kahindik-hindik na nakaraan, naisawalat niya sa mundo ang kanyang karanasan. Salamat sa midya, sa mga NGO at mga women's right activist. Exciting 'yong part na unti-unti niyang inaabot ang HUSTISYA. (Hindi ko na i-dedetalye.) Sa huli, nakapagpatayo siya ng isang paaralan sa kanilang lugar (first school for the girls) sa pag-asang sa pagkatuto ng mga kabataang babae at lalaki, unti-unting mabubuksan ang nakapinid na pag-iisip ng kanyang mga kababayan ukol sa pagkakapantay-pantay at edukasyon.
Habang binabasa ko 'to, parang kidlat na bumabalik sa aking gunita ang mga eksena sa pelikulang Mga Munting Tinig na pinagbidahan ni Alessandra de Rossi. Katulad ng lugar kung saan nadestino si Alessandra, hindi din gano'n kalaki ang pagpapahalaga sa edukasyon ng mga magulang ng mga mag-aaral ni Mukhtaran. Pero kung drama at drama lang rin ang pag-uusapan, mas mapapaiyak ka sa karanasan ni Mukhtaran. Naging mitsa siya ng isang malaking women's right movement sa Pakistan at sa mundo. Isa siyang inspirasyon sa libo-libong kababaihan na inabuso/inaabuso ng isang lipunang nagpapauto sa mga baluktot na paniniwala.
Salamat kay Mukhtaran Bibi at sa marami pang mga munting tinig na bumubilong sa isip ng marami na huwag puro pansariling pakikibaka ang atupagin. Na p'wede rin namang tumulong kahit isa ka sa mga nangangailangan ng tulong.
No comments:
Post a Comment