Friday, November 1, 2013

Of Passions and Pursuits

I easily get bored. I won't last a day sloth-ing at home.

So when I'm temporarily tired of reading and studying for my next lessons, encoding exams and checking students' test papers, I turn to reading. I'm currently reading

and


After getting glasses for my deteriorating vision, I have tapered off in my reading escapades. No more reading while in transit--which was a bad bad habit. Nevertheless, I still love reading. I am still a Booksale denizen. Make that disciplined denizen, for I can now control my purchasing powers.No more Oh-I-think-I'm-gonna-needd-this-book-someday-I'm-getting-this-one moments.

I am still a #children's lit and #reading advocate to my pupils--especially in my advisory class which benefits from all the book prizes.

After my quick-stint as a mountaineer, my wanderlust tendency found its place in the world of running. I am a bit proud to have gained the discipline to hit the road at least once each week. I now take pride in getting a darker complexion after hours of being soaked in the sun. (Hello non-beach-bumming tan lines.) 

These running outfits take turns in accompanying me. (Wanted: running buddies from San Jose del Monte, Bulacan) I hope to find a bunch of crazy people who would join me in traversing the city.

During my tamad moments, I go birding. I have a pair of not-so-hi-tech binoculars and carefree spirit that would take me to the greener parts of the city. Every once in a while, I see new species. (We call them lifers in the birding community). 

There are birds other than the maya (eurasian tree sparrow). We have the (left) Asian glossy starling--with its hideous red eyes and (right) the olive-backed sunbird. I've seen these birds this morning while taking a stroll along Kaypian Road. Aside from those two, I;ve got a chance to see egrets, zebra doves, common waterhen, crow, YVB and long-tailed shrikes today.

If you need help in identifying those non-maya birds in your area, read this write-up about the 10 most common bird by Filipina birder Maia (no pun intended).

Teaching, running, reading, birding.

And that's how I kill boredom. How about you?





Wednesday, October 16, 2013

Sampung Piso


Sa aming magkakapatid, ako ang paborito ni Tatay.
Kapag sa akin niya binibigay ang pinakamapulang mansanas na pasalubong, hindi p’wedeng umangal si Ate. Kapag sa akin niya inaabot ang dalang pinakamatamis na mangga, maglalaway lang si Kuya. Buti na lang, ako ang bunso.
“Kokoy, nandito na si Tatay. Nasa’n na si Bunso ?”
At pagkauwing-pagkauwi niya galing trabaho, ako ang una niyang hinahanap. Lunes hanggang Biyernes. Walang mintis.
            Parang kidlat naman ako sa bilis na sasalubong. Agad akong magte-teleport sa tarangkahan, magmamano kay Tatay at ibibigay sa kanya ang aking superhigpit at matunog na yakap-halik combo. Sina Ate at Kuya, mapapailing na lang sa panghihinayang.
“Tsk…tsk…Naku, naunahan na naman kami ni Bunso ‘Tay. ”
At magtitinginan silang tatlo na para bang may sikretong tinatago.
            Kokoy Kidlat. ‘Yan ang tawag sa akin ni Tatay. Kapag nagluluto si Nanay at may kulang na sangkap o kung may kailangang bilhin si Tatay sa tindahan, pangalan ko ang una nilang tinatawag. Si Kokoy Kidlat ang superhero ni Nanay at Tatay.
Tuwing kailangan kong magmadali, palihim kong inilalabas ang mga imbisibol na gulong ng tsinelas ko at humaharurot na parang motorsiklo sa tindahan sa may dulo ng kanto. O kaya naman ay gagamitin ko ang aking mga espesyal na pakpak.
            Hindi ko na mabilang kung nakailang utos na si Tatay sa akin. Basta't ang alam ko, hanggat ako ang paborito niyang  superhero , mapupuno  ang alkansiyang kawayan ko. Sa tuwing may iuutos kasi siya, binibigay niya sa akin ang sukling barya. Bentisingko, piso, limang piso,sampung piso--tinatanggap ko kahit magkano. Nangako kasi si Tatay na kapag napuno ko ang alkansya, bibili na kami ng pangarap kong bisikleta.
“Magkano ba ang bisikleta, Tay? usisa ko no’ng minsang pinabili niya ako ng tatlong maliliit na bote ng beer.
“Siguro katumbas ng isangdaang boteng gaya nito“, sagot ni Tatay sabay lagok ng paborito niyang inumin.
            Nang dumating ang kaarawan ni Tatay, higit pa sa sandaang bote ng beer ang nakita ko.
            “Tay, ang daya n’yo naman e. Dapat ako na lang ang pinabili n’yo”, usisa ko. Malamang kung ako ang  bumili ng mga ‘yon, puno na ang alkansya ko.
            “Koy, ‘wag ka nang magtampo. Paglaki mo, ‘pag kayang-kaya na ng superpowers mo ang bigat ng isang case ng beer, ikaw na ang uutusan ko,” sagot niya.
            Patay! Pa’no nalaman ni Tatay na may superpowers ako. Ang galing naman niya!
          Ilang sandali ang lumipas at nagsimula na sina Tatay at ang kanyang mga kaibigan sa pag-inom. Paulit-ulit kong narinig ang--
          Tagay pa pare!…sabay mag-uumpugan ang mga baso na susundan ng halakhakan at hagikgikan.
          Nang gabing ‘yon, hindi muna namin nakasama si Tatay sa hapunan. Sayang! Hindi niya narinig ang napakaingay kong paghigop ng sabaw--mas maingay pa sa halik na dumadapo sa pisngi niya. Hindi rin namin siya nakatabi sa pagtulog. Kaya sa unan ko na lang ibinigay ang superhigpit kong yakap. Mula sa kuwarto, dinig ko ang tawanan nila, mga kantiyawan at pasikatan. Kinalaunan, hindi ko na matukoy ang boses ni Tatay sa boses ng iba. Parang may superpowers na rin siya. Galing ba ‘yon sa iniinom nila? Si Tatay ba ‘yong paputol-putol at paggewang-gewang na nagsabi ng--
          “Pare, wala kayo sa mga anak ko, mababait na, matatalino pa!”
          O siya  ba ‘yong walang prenong nagyayabang ng--
          “Pare, ‘pag ako nanalo sa Lotto, ibibili ko kayo ng isang libong bote ng beer! O ano? Tagay pa! Ang hina mo naman, e. Ha-ha-ha!”
            Tuwing may inuman sa bahay, gamit na gamit ang mga superpowers ko. Pagkapikit ko, nagte-teleport ako papunta sa iba’t ibang lugar. Ikakampay ko ang mga espesyal na pakpak at makikipaghabulan sa mga maiilag na tutubing-kalabaw. Makikipagkarera sa mga maiingay na bangaw. Makikipag-unahan sa mga hindi mapakaling tipaklong. Makikipagtaguan sa mga masikretong salagubang. Makikipagtuos sa mga bubulong-bulong na bubuyog. Makikipag-espadahan sa mga mapupusok na lamok.  At pagdilat ko, walang dudang tumba na si Tatay. Humihilik-hilik at sisinghap-singhap--parang mga insekto na nakalaban ko.
            Tuwing nakainom si Tatay, lumolobo ang kanyang tiyan, namumula ang kanyang mukha, humahaba ang kanyang mga kamay, bumibigat ang kanyang mga kamao, lumalalim at gumagaralgal ang kanyang boses. Nagpapalit-anyo ba siya para maging superhero o kalaban?
 Tuwing lasing si Tatay, hinahagis niya sa mga imbisibol niyang kalaban ang ano mang madampot niya. Ang daya nila….ayaw magpakita.
Maniwala kaya si Tatay kapag sinabi kong may mas madaling paraan para matalo ang mga imbisibol na kalaban? Umiwas sa inuman. Ito rin ang paraan para lumakas ang kanyang katawan, para hindi niya na mabulyawan si Nanay at para hindi na umiyak sina Ate at Kuya kung napapagalitan.
Ano’ng mangyayari sa akin kapag sinabi kong puwede ko siyang tulungan? Mapapagalitan? Mapapalo?  Pa’no ko sasabihin? Kaya ba ng powers ko?
Tuwing lasing si Tatay, naiisip ko na naman ang aking alkansiya. Sinong tutulong sa akin na mapuno ‘yon kapag hindi na nagpapabili ng beer si Tatay?
            Haaay…buhay. Muntik na akong sumuko  sa kahahanap ng sagot sa mga nagbabanggaang tanong sa isip ko.
Buti na lang may superpowers ako, dahil ngayon, may naisip na rin akong sagot sa susunod na utusan ako ni Tatay na bumili ng alak sa kanto.
            “Naku ‘Tay! Sayang! Naubos na po ang superpowers ni Kokoy Kidlat sa ganyang mga utos. Iba na lang po.”
            Sana umepekto.

***



             



Monday, April 8, 2013

Firsts

When I have almost abandoned my dream to take writing seriously (and have a published work, at the very least), these came.

A write up for UP JMA's Bakit Masayang Tumambay sa UP?
I've already missed the last day for submission, but I sent my story anyway. I wrote this piece for a Creative Writing class--a course I've dropped once.

Volunteered to edit this story for an environmental NGO

All glory to the master storyteller! We may have doubts about our skills, gifts and talents, but just keep trusting Him.

I’m sure about this: the one who started a good work in you will stay with you to complete the job by the day of Christ Jesus.

Sunday, February 24, 2013

Pahinga Muna sa Pamumundok

Magtatatlong buwan na akong hindi namumundok.

Disyembre 2012 ang huling tuntong ko sa kabundukan ng Tapulao. Climax ng aking mountaineering career bilang iyon ang may pinakamahabang lakaran, pinakamasarap na pagkain, pinakamalamig na panahon at pinakamalayo na aking narating sa Luzon.

At 'di na nga muling nasundan. Napag-iwanan na ako ng aking mga kasabayan. Bagamat ganun ang nangyari, masaya pa rin ako. Ito ang saya na dulot ng isang desisyong pinaninindigan. Ang saya na bunga ng matinding pagpipigil sa mga nangangating paa at diwa.

Ayokong ituring na pagkahumaling o addiction ang nangyari sa akin mula Mayo hanggang Disyembre noong nakaraang taon. Hindi naman talaga adik ang tawag sa mga taong isa o dalawang beses umakyat ng bundok kada buwan. Nahalina lang sila.

Sa aking sitwasyon, bilang isang guro, kailangan kong ibalanse ang mga responsibilidad sa trabaho, sa tahanan at sa sarili. Hindi masamang maglakwatsa hanggat hindi ka papasok na puyat sa klase kinabukasan. Pupungas-pungas pa. Ayos lang mamundok hanggat hindi mo napapabayaan ang mga gawain mo bilang miyembro ng pamilya. Ok ang pamumundok, lalo na sa kalusugan at sa pakikipagkapwa, pero h'wag mo ring kalimutang payabungin ang iyong pananampalataya tuwing hindi ka makakadalo sa iyong simbahan. (Hindi ko 'to nagawa dati.)


Kaya naman ngayon, sumasakto na sa akin ang pagtakbo-takbo sa mga lansangan at pagsali-sali sa mga fun run, dahil ngayong bakasyon, ako'y mamumundok na naman.

Ngayong darating na bakasyon, mas malinaw na sa akin kung bakit ako namumundok.




Wednesday, December 26, 2012

Jorni sa Tapulao


Hi mam-ser-mam-ser! Bagot? Pagod? May dinaraing na sakit sa tuhod? Puso o pag-iisip? Mt. Tapulao lang ang katapat ng mga 'yan.
Sabi ni Pinoy Mountaineer, 2,037+ MASL daw ito.
Major! High Peak!



Quick trivia: Tapulao ang  pine tree sa wikang Sambal/Zambal.

Ganito. Pumunta kang Victory Liner terminal sa Cubao o Monumento. Maghanda ng Php 375.00 at sabihin sa konduktor na ibaba ka sa Brgy. Dampay-Salaza sa bayan ng Palauig, Zambales. 4-5 hours kang bibiyahe kaya makakaidlip ka pa.

Kung lamigin ka, magbitbit ng makapal-kapal na jacket, scarf, kumot o init ng ulo. May libreng wifi pamatay-oras at musika para makapag-concentrate ka sa pag-e-emote.

Kung marami kang gutom sa katawan, may 1-2 stop overs para mamili at mamili. At umihi na rin.

'Pag pinababa ka na ng konduktor, bumaba ka na. Nando'n ka na kasi sa susunod mong pit stop. Magta-traysikel ka naman sa halos walong kilometro ng mabatong daan patungong jump-off. Foreshadowing ang tawag dito. Kung suwerteng may makakasabay kang 3 pang tao sa trike, tig-Php75.00 lang kayo.  (So Php 75 X 4 = Php 300.00). Tip, pag-aralan ang pagkain ng alikabok kung hindi pa marunong.  Tanungin rin pala si Manong Driver kung p'wedeng mag-top load. Malay mo.

Sa eco-center/jump-off ay iwe-welcome ka ni Ate Krising--ang front desk officer tuwing umaga at waste management officer naman sa gabi. Sa center, p'wede kang maki-# 1 o 2, maki-almusal, maki-kape, maki-bihis at maki-iwan ng ibang gamit. Dito, maglalabas ka rin ng Php 30.00 para sa registration fee at Php 700.00 pambayad sa required guide (mapa-day hike, overnight o multiple day-hike). Fixed ang mga amount na yan. Bawal makipag-bargain. May dalang food si Kuya Guide, pero siyempre, share your blessings.

Pagkatapos ng jorni na ito, manghihinayang ka sa Php 700.00 mo dahil madali lang naman talaga subayin ang daan patungong bunker house at summit. Kaya para masulit ang guideship fee, magtanong nang magtanong sa kanya, magpabuhat ng gamit (kung 'yan ang bulong ng iyong konsensya. Don't worry, nasa job description naman niya 'yon) o gawin s'yang photographer.

Unli assault ang ino-offer ng bundok na ito kaya ihanda ang tuhod sa 18 kilometro ng paglalakad, paggapang at paggulong sa hindi lang mabato, kundi mabatong-mabato na trail.
Kung anong dali ng direksyon, siyang hirap naman ng trail mismo.
Pumili

na ng size

at shape

na gusto mo.

Quick trivia:  Malapad ang trail dahil daanan ito ng mga heavy-duty trucks ng Mineral Treasures Mining Corporation na huling nagmina ng chromite noong  2010. (Sana totoong natigil na nga.) Malaking bahagi kasi ng Tapulao ay forest over ultramafic rock. (Yehes! May naaalala pa rin ako sa mga environmental lectures.) Minimina ang mga ultramafic/ultrabasic rock.
Buti nahanap 'to ni Kuya John.

Hula ko ay sinabuyan nila ng  mga tipak ng bato ang malupang daan para di madulas ang mga sasakyan. Pero sabi ni Kuya Bobby, isang guide, hindi raw. Do'n daw talaga ang mga batong 'yon. Hindi pa rin ako kumbinsido.

Advisable na agahan ang pagti-trek para 'di masyado masunog sa araw. Kung sakaling mauhaw, may 3 water sources na naghihintay. Pinakagusto ko ang 2nd water source dahil sa lakas ng daloy, "linis" at lamig ng tubig. (Kung 'di maselan ang iyong sikmura, sahod na!)

Nang usisain ko ang guide namin na si Mang Juan/Kuya John, 4 na bundok daw ang inakyat namin. Medyo magulo ang mga paliwanag n'ya dahil bago pa lamang siya sa pagga-guide (no'ng Setyembre n'ya lang iniwan ang pagsasaka para maging guide). Ayon kay kuya Bobby na senior guide na sa edad na 23,  heto ang mga lugar na madadaanan (in chronological order):

  • Talakitik
  • Sereno
  • Duyan-duyan
  • Balite
  • Malaat (1st water source)
  • Zigzag
  • Barong Tagalog
  • Lower Tapulao
  • Daska Avenue /Landslide (O ha! May avenue talaga! Named after the driver na naaksidente sa lugar na 'yon)
  • Stack Piles
  • Polta Mayor (Polta is Sambal word for door)
  • Tapulao


Magulo pa rin sa akin kung alin ang bundok at alin ang pauso lang talaga ni Kuya guide. Ang sigurado ako, unlimited ang bato sa Tapulao and they come in all sizes and shapes.

Kung duration naman ng trek ang usapan, relative yan. Kung hard core ka (e' di ikaw na), kakayanin ng  6-7 hours ang ascent at 3-4 hours and descent. Kung  wala ka namang lakad na hinahabol,  add 1-3 hours lang sa mga nabanggit kong oras at siguradong makakarating ka pa ng buhay sa iyong paroroonan.


Quick trivia: Tuwing Enero naitatala ang pinakamalamig na temperature sa Tapulao. Lumelevel sa mga Cordillera mountains. Source: The almost ever-reliable Kuya Bobby.

At mas malamig pa talaga sa nguso ng baboy ang temperature tuwing madaling araw. Pakiramdam ko ay may hawak-hawak akong tipak ng yelo tuwing lalabas ng tent.  Advisable na mag-layering kung 'di kakayanin ng mga natutulog mong body fats ang hagupit ng hamog. Iwasan ang biglaaang pag-inom ng super init na kape.  Napaso ang nilalamig naming dila dahil sabik mainitan.

Mula sa bunk house, mga 40-50 minutes na lang ang final assault patungong summit. Mossy forest na ang labanan dito kaya mas maganda ang vegetation.
Less rocks, more greens!


Ah basta, mukha siyang mahalaga. Pero dahil may mga pine trees, siguro matatawag ding Tropical Lower Montane Rain Forest ang ibang bahagi ng Tapulao. Maraming kayang conifers. Tiba-tiba sa mga nagkalat na pine cones.

Isa sa mga bagay na inaabangan ng marami sa Tapulao ay ang mga tanawin. Kumpleto sa view ng mga isla, kailugan, karagatan, kapatagan at kabundukan ang lugar na ito. Ayon sa sabi-sabi, makikita rin dito ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc dahil nasa tabi lang ito ng West Philippine Sea. Nakakainis lang dahil hindi ito na-identify ni Kuya Guide habang kami'y nagjojorni. Nanghula na lang kami na 'yon 'yong nakita naming mukhang reef.

Somewhere over that island ang Scarborough Shoal.

Ang pinakaaabangan ko sa lahat ay ang sea of clouds tuwing umaga. Nang marating namin ang summit, tumaples pa kami baka sakaling maakit namin si Haring Araw. E itong mga intrimididang mga ulap ay nakikiusyoso, saglit lang nagpakita ang dagat ng mga ulap at 'di pa namin nakunan ng larawan.
Sapat na.

Minsan sa buhay, hindi mo agad nakukuha ang gusto mo. Magandang motibasyon ito upang balik-balikan ang Tapulao. Like 10 days from now.

Buti na lang, may bangin ng mga ulap na nagpakita no'ng pababa na kami sa bunkhouse. Pinatawag ko agad si Chris Tomlin at pinakanta ng Indescribable.


Kung pabalik na kayo ng jump-off, congrats! Mas mabilis na ang descent. Tip, side step, side step din. At piliin ang mga batong tatapakan. Mas malaki, mas maigi. Magbaon ng maraming trail food nang 'di masiraan ng bait. Magpayong pala o mag-sun block. H'wag pa lang pansinin ang mga land mines na iniiwan ng mga unggoy (na mailap sa kapwa unggoy tao ). Tanong ko lang, kailangan talagang sa daan mag-iwan ng bomba?

Alam na.

Makakabili raw ng ganitong bag sa halagang Php180-200.
P'wede pang ipa-customize ang materyales at design.
Kailangan magpre-order.

Pagkarating sa eco-center, maligo na (Php 10.00), magluto at kumain. May mga soft drinks pala sa mini-tindahan ni Ate. Sinuggest namin sa kanya na damihan ang items sa souvenir shop. T-shirt lang kasi na tig-Php 250. Why not display products na gawa sa indigenous materials?  Or the barbecue at banana cue sticks na nagkalat sa daan? Agree naman si ate.

Last na, pabalik ng Maynila, magtatraysikel ulit kayo. Php 400 per trike. Good for 4 persons lang ito ha. Diretso na ito sa Victory Liner terminal sa Iba, Zambales. 16 kilometers. Mga 40-50 minutes. Magdala ng extra foam kung uupo sa pinakalikuran ng trike. Supermegaultra vibration ang naghihintay sa 'yo.

O' ayan. Sana ready ka nang mag-Tapulao. Siya yata ang pinakamataas sa Central Luzon, kaya bragging right din 'pag natapos mo siya.  Siguradong mawawala ang iyong kabagutan, pagod, sakit ng puso, ulo at pag-iisip.

Kung gusto n'yong kunin ang contact numbers ng kanilang tourism council officer para sa kahit ano mang concerns (e.g. schedule, souvenirs), mag-iwan lang ng mensahe sa baba. Kung bet n'yong kuning guide ang nire-recommend ko na si Kuya Bobby, mag-comment lang at ibibigay ko ang numero niya. (Disclaimer: Wala akong porsiyento dito ha.)

Mapagpalang jorni!

Ekstrang Silay sa Tapulao

Anong amphibian ito?

Crawling gem

Ang pamosong world tree

Ang payapa ng ganitong eksena

Zigzag na yata ito o Polta mayor.

Ang 2nd Water Source

Forest Fire na naabutan namin.
May nakita pa kaming mangangasong
may bitbit na patay na usa before this scene.


Isang taos-pusong payo mula sa mga dingding ng bunkhouse.

Para sa itinerary at iba pang bagay tungkol sa Tapulao, bisitahin ang blog nina


Tuesday, December 25, 2012

2012

Posting this teaser, while I'm brewing the year-end post. Care to name those mountains?