Nagtapos ako sa isang general public high school sa Bulacan. Ang maliit naming paaralan ay napapaligiran ng mga palayan. Sa kanan naman ay isang dugyuting ilog ang dumadaloy. "Ilog Baho" nga ang tawag namin dahil sa nakakasukang amoy nito kapag nagpapakawala ng dumi ng hayop ang mga slaughter houses at poultries sa ibabaw. (Nung 2nd year ako, isinumpa ko ang ilog na yon nung umapaw ito at nakarating sa ilang silid-aralan.)
Hindi kagandahan ang aming paaralan. 'Di katulad ng mga national high schools at mga private school sa aming division. Ngunit kahit nahuhuli kami pagdating sa pisikal na aspeto ng paligsahan, di naman kami nagpapahuli sa mga academic competitions. Lagi kaming kampeon sa Division Press Conference at laging may umaabot na mag-aaral sa National level PressCon. Nakakakopo rin ng puwesto ang aming diyaryong "Ang/The Pintig" kahit sa national level pa.
Masasabing overcrowded na ang aming paaralan. Noong 4th year ako, 84 kami sa aming klase. Kami ang star section at kami ang pinakamarami. 50 plus lang ang mga upuan at priority pa ang 40 plus girls, kaya, mapalad ang mga lalaking maaga kung pumasok. (Minsan nga, nagpapasalamat ako kapag may mga absent.) Take note: di kalakihan ang kuwarto namin, dahil inagaw ng ilang teachers ang 1/4 nito upang gawing faculty room.
Dahil 84 kami at sa sahig nakaupo ang mga lalaki (o mga babae minsan), kinakailangang naka-footrug ang mga tao at laging magfo-floorwax ang cleaners. Kahit halos katumbas na namin ang 3 o 4 na sections sa ibang paaralan, 'di naging sagwil ang aming bilang upang maging malapit kami sa isa't isa. Kahit na may kanya-kanyang grupo gaya ng Ice Candy Company, Chainlink, Pollyana, etc, solido kami bilang isang klase. Natuto pa rin kami kahit na hirap ang aming mga guro dahil nga ang dami namin at maingay pa minsan.
Sa araw ng aming pagtatapos, napuno ng iyakan, yakapan at tawanan ang mga piktyuran. Naghiwa-hiwalay na kami. May mga nag-aral, nagtrabaho, nag-asawa at tumambay.
Dahil na-miss ko agad ang 83 kong kaklase, gumawa agad ako ng friendster account at group upang magkasama-sama kami ulit.
Makalipas ang halos apat na taon mula nang kami'y magtapos, nagkaroon kami ng isang medyo pinagplanuhang reunion noong Dec.29 sa Lourdes Grotto Church . (Hindi kasi sapat ang semestral get-together dahil pare-parehong tao rin naman ang pumupunta.) Bagamat 28 lang ang nakarating, dahil may kanya-kanyang gawain at dahilan ang iba, hindi ko akalaing magiging ganoon kasaya ang pagsasama-sama namin.
Hindi mapapalitan ng magarbong venue o masarap na pagkain ang presensya ng bawat isa. Ang mga kuwento, ngiti, tawanan, kantyawan, rebelasyon, kadramahan at pagkakaibigan na sinariwa at pinagtibay noong araw na 'yon ay mananatiling buhay sa puso ng bawat isa. Amen.
No comments:
Post a Comment