Tuesday, February 17, 2009

Paboritong Teksbuk


Bilang sabik sa paggamit ng silid-aklatan, unang araw pa lang ng pasukan ay nanghiram na ako ng libro. Siyempre pa, ang paborito kong WORDS THEIR WAY ni Donal Bear et.al. Reference book ko kasi yun sa private reading tutorial ko. Ang daming pwedeng ipaphotocopy at madaming ideya tungkol sa mga laro-laro at mga ka-ek-ekan sa pagtuturo ng pagbasa.

Kanina ay dinala ko siya para basahin habang nasa sasakyan ako patungong Binondo, kung saan ako nagtuturo. Galing pa ako ng Bulacan.

2:45 ako dumating sa Recto. 4 pa ang turo ko. Kaya naisipan kong kumain muna sa Chowking Isetan Recto. Umorder ako ng petite halu-halo dahil sawang-sawa na ako sa chao fan at tamang-tama ang halu-halo sa meryenda.

Dahil ang tagal-tagal matunaw ng yelo, naisipan kong ilabas si WORDS THEIR WAY at magbasa-basa habang hinahanalo ng kanang kamay ko ang mga tipak ng yelo at kakaramput na mga sangkap ng halu-halo.

Inabot ako ng 35 minuto para maubos ang isang malukong ng halu-halo na puro sabaw naman talaga. Agad kong binitbit ang bag ko para sumakay patungong Divisoria, at saka maglalakad patungong Chinatown Steel Tower.

Habang nagpapakalunod sa mabahong amoy ng paligid ay bigla kong naalala si WORDS THEIR WAY. Nasaan siya? Tiningnan ko sa dalawang bag na dala ko. Wala. Anong oras na? 3:40. Dapat wala pang 4 nasa condo na ako. Babalik ba ako ng Isetan? H'wag na lang. Di naman yun mawawala dun.

Napakapositibo ko. Kumanta pa ako ng mga papuring awitin para kumalma at h'wag masyadong mag-alala. Nanalangin ako habang binabagtas ang mataong kalye ng Divisoria. Lord, hindi yun mawawala. Mahal yun, Lord at mahirap mahanap sa Pilipinas.

Kwinento ko sa tutee kong 5 taong gulang ang tungkol kay WORDS THEIR WAY. Lagot daw ako kay WORDS THEIR WAY. Siguradong papagalitan niya daw ako pag nagkita kami ulit.

6 ng gabi, habang nasa dyip at papuntang Isetan, nanalangin ulit ako. Naitabi sana yun ng isang service crew. Inensayo ko na rin ang sasabihin ko sa mga crew. Ah, excuse me Miss, I was here at around 3, blah blah blah. Binalak kong mag-English para agad mapansin ako at maasikaso agad. Pero pagdating ko sa Chowking, kinalimutan ko na yung ganung mentalidad.

Pinagpasa-pasahan ako ng mga cashier at crew, hanggang may lumabas na crew at bitbit si WORDS THEIR WAY. Nag-uumapaw ang kaligayahang nadama ko nang mga sandaling iyon. Agad akong nagpasalamat sa Diyos. Ang bilis niyang sumagot ng panalangin.

No comments:

Post a Comment