Wednesday, February 25, 2009

Si Rizal At Ang Diaspora ng mga Pilipino



Capuyan, Jerson R.
College of Education /BEEd-CA(Eng)
2005-72540
PI 100
Prof. Nelson Turgo

Si Rizal At Ang Diaspora ng mga Pilipino

Hindi na kaila sa atin ang lumalaking bilang ng mga Pilipino na nangingibang-bayan. Ayon sa Department of Foreign Affairs o DFA ay may humigi't kumulang 700,000 mga Pilipino ang umaalis ng bansa taun-taon. Hindi pa kabilang dito ang mga kababayang ilegal na lumalabas ng bansa sa iba't ibang kapamaraanan.

Magkakaiba ang dahilan kung bakit umaalis ng bansa ang marami sa atin. Pangunahing kadahilanan ay pinansyal na pagdarahop. Kung ihahambing ang sahod ng isang overseas Filipino worker sa Hongkong at ng isang guro sa pampublikong paaralan dito sa Pilipinas ay mas mataas pa ang natatanggap ng nauna. Kaya naman mas pinipili ng iba ang maghanap-buhay sa ibang lupain kaysa ang magpakahirap dito sa Pilipinas kapalit ang kakarampot na suweldo.

Kung mapapansin ay malaking bilang ng mga umaalis sa bansa ay mula sa mahihirap na pamilya. Kasabay ng paglapag ng kanilang mga paa sa dayuhang lupain ay ang pag-asang maiaaahon nila sa kumunoy ng kahirapan ang mga kapamilyang iniwan sa Pilipinas.

Sa isang survey na isinagawa ng Pulse Asia Incorporated, napag-alaman na isa sa bawat limang Pilipino ang nagnanais na ring umalis ng Pilipinas upang maghanap ng mas magandang buhay sa ibang bayan. Marami ang nabahala sa resulta ng naturang survey dahil karamihan sa mga gustong umalis ng bansa ay mga nakapag-aral at nasa pang-gitnang uri ng lipunan.


Nitong nakalipas lamang na taon ay isa sa mga kamag-aral ko sa hayskul ang nabalitaan na lamang namin na nasa Canada na. Ang kanyang ina ay matagal nang nagtatrabaho doon, kaya naman siguro ay naisipan na rin nitong kunin silang maagkakapatid. Nalungkot kami sa pag-alis niya subalit sa kabilang banda ay inisip rin namin ang kasiyahang idinulot ng muling pagkakasama nila. Ang mga eksenang tulad nito ay isa lamang sa mga patunay na ang pag-alis ng mga Pilipino o diaspora ay isang pambansang usapin na at dapat bigyang-pansin.

Isa mga isyung ipinupukol sa mga Pilipinong umaalis ng bansa at doon na naninirahan ay ang kawalan nila ng pagmamahal sa bayan o nasyonalismo. Masasabing isang kabalintunaan ang ganitong pahayag. Ang desisyon ng isang Pilipino na manirahan sa ibang bansa ay hindi isang sukatan kung gaano niya kamahal ang Pilipinas. Maging ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay hindi isang senyales na wala kang paniniwala na maaring magkaroon ng isang maginhawang buhay sa bansa.

Isang konkretong halimbawa ay ang karanasan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Si Rizal ay nagtungo sa iba't ibang bansa sa mundo upang magpakadalubhasa. Siya ay nagmula sa isang mayamang pamilya kaya naman ay nagawa niyang maglakbay sa maraming bansa sa Europa, Asya, at Amerika. Ngunit, hindi lamang pansariling hangarin ang nagbunsod sa kanya upang mamalagi sa ilang mga bansa. Nag-aalab pa rin sa kanyang puso ang pag-ibig sa inang bayan. Nais niyang matunghayan ang mga kaunlaran na mayroon ang Kanluran upang magkaroon siya ng ideya kung anong mga bagay ang salat pa ang ating bayan. Sa ilang taong pamamalagi ni Rizal sa ibang bayan ay hindi siya nakitaan ng pagtataksil sa bayan. Kailanma'y hindi niya itinatwa ang kanyang lahing pinanggalingan. Sa katunayan ay mas naipakita niya ang kanyang pagiging makabayan nang siya ay nasa lupain ng mga dayuhan dahil walang sumisikil na mga Kastila sa kanya sa pagpapahayag ng kanyang pag-ibig sa bayan.



Naipakita pa rin ni Rizal ang pagiging makabayan kahit wala siya sa lupang-tinubuan. Ito ay isang mahalagang bagay na dapat matutunan ng maraming mga Pilipino na nandarayuhan. Noong si Rizal ay nasa Espanya ay sumapi siya sa isang grupo ng mga Pilipino at Espanyol na nagsusulong ng mga reporma para sa kabutihan ng mga Pilipino. Ito ay ang Circulo Filipino-Hispanico. Gayundin ay kasama si Rizal sa patnugutan ng La Solidaridad, kung saan ay nakasama niya sina Graciano Lopez-Jaena, Marcelo H. del Pilar at ilan pa sa pagkatha ng mga akdang nagpapahiwatig ng pagmamahal sa bayan at pagtuya sa maling pamamalakad ng mga dayuhang Kastila sa Pilipinas.

Nakatutuwang malaman na naipagpapatuloy pa rin ang mga ganitong samahan sa kasalukuyan. May mga komunidad ng mga Pilipino sa iba't ibang estado. Sa mga pagkakataong nagkikita-kita sila at ipinagbubunying Pilipino pa rin sila sa puso at isipan bagamat nasa ibang bayan sila.

Sa panahong nasa Europa si Rizal ay naging napakaproduktibo din niya. Ang pag-aala-ala sa kalagayan ng Pilipinas noong panahong iyon ang naghimok sa kanya upang isulat ang kanyang walang kamatayang mga nobela na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Malaya niyang ikinatha ang pampulitikang kalagayan ng bansa at gayundin ay naghain siya ng kanyang mga opinyon at solusyon.

Sa konteksto ng panahon ni Rizal ay nakabuti ang kanyang pag-alis dahil lumawak ang kanyang kaalaman at mas lalo niyang naunawaan ang kahalagahan ng edukasyon sa pagkamit ng kalayaan para sa bayan. Subalit sa kasalukuyan, may mga nagsasabing marami ring hindi magagandang naidudulot ang pag-alis ng mga Pilipino sa Pilipinas.

Isa na rito ay pagkakahiwalay ng mga kasapi ng pamilya. Sa isang awitin ng Smokey Mountain ay nasambit ang mga sumusunod na linya:

Mama's a maid in London / I want to believe that she's fine / She could be lonely in London / I want to know why she had to go / I need her, I want to be near her / I've got to be with her / And see to it that we're together once more //

Masakit para sa isang magulang ang iwanan ang kanyang mga anak. Ngunit mas masakit para sa isang anak ang iwanan ng isang magulang. Ito ang naunawaan ko sa awitin. Subalit, kung tatanungin natin ang isang magulang, mas masakit para sa kanya ang hindi mabigyan ng magandang bukas ang kanyang anak, kaya mas pinili niyang kumita ng malaking halaga sa ibang bansa.

Isa pang negatibong epekto ng diaspora ay ang brain drain. Dumarami ang bilang mga propesyonal gaya ng mga doktor, nars, guro, inhinyero ang umaalis ng bansa sa pag-asang mas masusuklian ng karapat-dapat na halaga ang serbisyong kanilang ibibigay sa mga first world countries gaya ng Amerika, Inglatera, Canada at Hapon. Habang tumataas ang bilang ng mga mahuhusay na mga propesyonal ay papaliit naman ang bilang ng mga Pilipinong handang paglingkuran ang mga kapwa Pilipino.

Ang pagiging underemployed ng mga propesyonal na ito sa ibang bansa ay hindi sagwil upang manirahan at maghanap-buhay sila doon. May mga doktor na nagiging nars, may mga gurong nagiging domestic helper.

Sa kabilang banda, may mga positibong epekto rin ang nagaganap na diaspora. Isa na rito ang tulong na hatid sa ekonomiya natin. Ang mga pumapasok na dolyar sa pamamagitan ng remittance ay nagpapatibay sa papalubog rin nating ekonomiya. Ikalawa ay naitatanghal natin sa mundo ang kasipagan at kagalingan ng mga Pilipino. Maraming beses nang hinangaan ng mundo ang kahusayan ng mga Pilipino gaya na lamang sa pagpipinta sa katauhan ni Juan Luna nang manalo ang kanyang Spoliarium sa isang patimpalak. Sa kontemporaryong panahon naman ay kabi-kabila ang pag-ugong ng mga mang-aawit at mga pelikulang Pilipino sa mga patimpalak at film festivals.

Mahirap na ngang pigilan ang diaspora ng mga Pilipino. Lalo pa't ngayon ay halos hindi na isang malaking isyu ang diskriminasyon ng lahi, hindi katulad ng kapanahunan ni Rizal kung saan ay may mga biases ang mga tao sa kanya-kanyang lahi. Ngunit may magagawa pa ang pamahalaan upang hindi dumating ang araw na iilang magagaling na Pilipino na lamang ang natitira sa Pilipinas at pinaglilingkuran ang iilang mga Pilipino lamang. Kung maaayos lamang ang ekonomiya ng bansa, kung mababawasan ang pamumulitika at korapsyon sa pamahalaan ay mahihimok pa ang maraming Pilipino na mamalagi na lamang sa Pilipinas at paunlarin ang mga yaman na mayroon tayo.

Para naman sa mga kababayang nasa ibang bayan, patuloy na pag-alabin ang pagmamahal sa bayan—na ang bawat sakripisyong kanilang ginagawa ay iniaalay nila sa pamilya at bayan. At kagaya ni Rizal, sila ay magbabalik bayang sinilangan dala-dala ang salapi, kaalaman at karanasan na magpapaunlad pa sa ating bayan.




Sanggunian:
Africa, Bernabe
Alip, Eufronio. Alip and Sons. Manila. 1957
Daroy, Petronilo. Rizal Contrary Essays. Guro Books. 1968

No comments:

Post a Comment