Wednesday, February 25, 2009
Si Rizal At Ang Edukasyon sa Pambansang Transformasyon
Capuyan, Jerson R.
College of Education /BEEd-CA(Eng)
2005-72540
PI 100
Prof. Nelson Turgo
Si Rizal At Ang Edukasyon sa Pambansang Transformasyon
Sa liham ni Rizal, mula sa Alemanya, para sa malapit niyang kaibigan na si Propesor Ferdinand Blumentritt, nabanggit niya na sa sandaling magkaroon na ang Pilipinas ng kinatawan sa korte suprema, babalik siya ng Pilipinas upang magpatayo ng isang paaralan. Hinimok din ni Rizal si Blumentritt na samahan siya sa kanyang hangarin na mabigyan ng magandang edukasyon ang mga Pilipino. (Africa,p.8)
Sinasalamin ng sulat na ito ni Rizal ang mataas na pagpapahalaga ng ating pambansang bayani sa sektor ng edukasyon. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng edukasyon, magiging karapat-dapat ang mga Pilipino sa pagkamit ng ganap na kalayaan. At ito nga ay makakamit hindi lamang sa pagkatuto mula sa karanasan kundi sa pagkatuto din sa loob ng paaralan—sa konyeksto ng pag-aaral.
Nitong nakalipas na mga taon ay ngaing mainit na usapin ang kalagayan ng sistema ng edukasyon sa ating bansa—partikular na ang kalagayan ng pampublikong edukasyon. May ilang nagsasabing nagiging komersyalisado na ito gaya na lamang ng nangyayari sa mga pamantasan at kolehiyong pinopondohan ng ating gobyerno. Mayroon umanong pag-aabondona na nagaganap dahil sa paliit nang paliit ang badyet na iniuukol sa mga eskwelahang ito. Idagdag pa natin ang mga hindi matapos-tapos na mga suliranin sa mababang suweldo ng mga guro, sira-sira at masisikip na silid-aralan, mag aklat na pinuputakti ng mali-maling impormasyon, mga guro na kulang umano sa kaalaman at pagsasanay at kung anu-ano pang samu't saring reklamo sa sektor ng edukasyon.
Kaya naman, hindi na nakapagtataka na marami ang nagkokomento na bumababa na raw ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Idagdag pa sa mga alegasyong ito ang mga balitang “nangungulelat” ang Pilipinas pagdating sa mga rehiyonal na pagsusulit sa Matematika at Agham. Pati na rin ang magandang reputasyon natin sa paggamit ng wikang Ingles ay unti-unti na ring nasisira.
Ang mga problemang ito ay nagresulta pa sa ilang matitinding suliranin gaya na lamang ng lumalaking bilang ng mga Pilipinong hindi nakakatapos ng pag-aaral. Sa dalawampung mag-aaral na Pilipino ay dadalawa lamang ang nakakapagtapos ng kolehiyo. Ang marami sa kanila ay agad nang sumasabak sa mundo ng pagtatrabaho sa mga pabrika at pagawaan kahit na kakarampot na salapi lamang ang kapalit nito. Marahil, ang mga kalagayang ito ay iilan lamang sa napakalawak na obserbasyon upang masabi natin na bumaba na nga ang eduksayon sa ating bansa.
Sa mga nakalipas na taon, iba't ibang solusyon na ang inihain at sinubukan upang mapigil ang paglala ng sitwasyon ng ating edukasyon. Nagkaroon ng pagbabago sa kurikulum na ginagamit ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education o DepEd)--mula Basic Education Curriculum ay naging Revised Basic Education Curriculum ito kung saan ay may apat na pangunahing asignatura na lamang—Ingles, Matematika, Agham at Makabayan.
Maraming pag-aaral na rin ang isinagawa upang matukoy ang ugat ng problema na ito. Sari-saring mga bagay na ang sinubukan, iba't ibang tao na ang nagbahagi ng kanilang mga suhestiyon upang masagip ang papalubog na barko ng edukasyon sa ating bansa. Ang usaping ito ay hindi na bago sa ating pandinig. Naghanap na tayo ng mga posibleng solusyon sa kontemporaryong panahon, ngayon naman ay bakit hindi natin suriin ang kung anong mga bagay ang sinasabi ng ating naklipas.
Noon pa man ay isang malaki at mahalagang usapin na ito. Kung magbabalik tayo sa nakaraan—sa ating kasaysayan—sa paghahanap ng mga posibleng kasagutan ay makatatagpo tayo ng maraming opinyon, ngunit mainam na magtuon tayo sa isang personalidad na may matibay na paniniwala na sa pamamagitan ng edukasyon ay lalaya ang ating bayan-- ang ating pambansang bayani, Dr. Jose P. Rizal.
Ayon kay Eufronio M. Alip, isang bihasa sa pag-aaral kay Rizal, may apat na pangunahing ideolohiyang pang-edukasyon si Jose Rizal. Ito ay ang pagpapaunlad ng moral na katauhan, disiplinang pansarili, panlipunang kabatiran at kahusayan sa mga kursong bokasyonal. Ang isang magandang sistema ng edukasyon, ayon kay Rizal, ay dapat naglalayong itanim ang apat na gintong butil na ito sa bawat mag-aaral.
Para kay Rizal, mahalagang ang bawat estudyante ay mayroong magandang asal at wastong pag-uugali. Sa kanyang sukat para sa mga kababaihan ng Malolos ay nabnggit niya na ang pagkakaroon ng kahanga-hangang mga asal ay kinakailangan upang matawag kang isang tunay na mabuting Kristyano. Binigyang-diin ni Rizal na ito ay makakamit kung idadagdag sa kurikulum ang pag-aaral ng iba't ibang relihiyon, dahil ito ang layunin ng relihiyon. Binigyang-diin din niya ang pagkakaroon ng kodigo ng mga mabubuting gawa gaya na lamang ng mga bagay na iminungkahi niya sa La Liga Filipina. Ang ilan sa mga ito ay ang hindi pagsusugal at hindi pag-iinom.
Kung susuriin ay napakasimpleng bagay lamang nito, ngunit napakahirap naman isakatuparan. Naitatanim kaya sa puso ng bawat isa na hindi lamang kaalaman para tumalino ang ating kailangan kundi pati rin ang kabutihan? Aanhin ng ba natin ang matatalino at magagaling na guro kung wala namang puso sa paggawa ng kabutihan sa kapwa? Ang mga ito ay ilan lamang sa mga katanungan na maaaring masambit ni Rizal sa ating kapanahunan.
Ang ikalawang bagay na nais ipaunawa ni Rizal ay ang paghubog ng isang henerasyon na may disiplina sa sarili. Marahil ay nakita ni Rizal ang kabutihang naidulot nito noong siya mismo aynag-aaral din. Ayon sa mga malalapit na kaibigan at kasambahay ay mahigpit na sinunod ni Rizal ang isang iskedyul ng mga gawain na siya rin ang gumawa. Mula paggising sa ganap na ika-apat ng umaga ay tuluy-tuloy na ito sa pag-uukol ng oras sa mga kapaki-pakinabang na gawain hanggang sa oras ng pagtulog, bandang alas-diyes ng gabi.
Ang bagay na ito ay sadyang mahirap ipaunawa sa mga bata, ngunit kung maipapaalam sa kanila ang kabutihang naidudulot nito ay hindi imposibleng maiukit ito sa kanilang pag-uugali.
Mapapansin na ang unang dalawang ideolohiyang pinanghahawakan ni Rizal ay hindi diretsang sinasagot ang mga konkretong suliranin ng kasalukuyan sapagkat higit pa sa dagliang solusyon ang ibinibigay ni Rizal. Ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili at magagandang-asl ay mga bagay na panghabang-buhay. Kung pag-iigtingin pa ng mga guro ang pagtuturo nito sa pamamagitan ng mga aralin at mabuting ehemplo ay posibleng mabigyan ang isang dakilang transformasyon sa ating bayan.
Ikatlo sa halagahan ni Rizal ay ang pagsususlong ng panlipunang kabatiransa mga paaralan. Importanteng humubog ang mga eskwelahan ng mga mag-aaral na nagmamahal at nagmamalasakit sa bayan. Nadurog ang kanyang puso nang masilayan niya ang ilang Pilipinong mag-aaral sa Madrid na naglalasing at nag-uubos ng oras sa paglilibang. Ang mga ito ay hindi man lamang nagpakita ng pagmamalasakit sa bayan gaya ng pagsapi sa Spanish-Filipino Circle, isang grupo ng mga Pilipino at Espanyol na mag-aaral na nagsusulong mga reporma para sa kabutihan ng mga Pilipino.
Ang imahe ni Rizal, bilang isang Pilipinong nakapag-aral at may pag-ibig para sa bayan ay isang magandang halimbawa na maari nating tularan. Batid niya ang ang mga tungkulin niya sa bansa at handa niya itong gampanan. Marami sa atin ngayon ang agad na nakakalimot na suklian ang bayan na tumulong upang makapag-aral tayo ng libre o sa mababang halaga lamang. Marami ang nagbibingi-bingihan o nagbubulag-bulagan sa pagdarahop ng ating bayan. Nais ni Rizal na imulat natin ang ating isipan sa katotohanan na kailangan tayo ng ating bayan.
Ang ika-apat na ideolohiyang pang-edukasyon ay ang pagpapaunlad ng kahusayan sa iba't ibang bokasyon. Noon pa man ay alam na ni Rizal na hindi lahat ay may intelektwal at pinansyal na kakayahan upang kumuha ng isang bachelor's degree sa kolehiyo. Iminungkahi niya ang pagpasok sa mga vocational schools kung saan ay ituturo sa kanila ang ilang mga praktikal na gawain gaya ng pagmamason, pag-uukit, paghahardin, paghahayupan, pananahi at iba pa. Sa kasalukuyan ay itinatguyod ito ng TESDA. Ang mga Pilipinong may teknikal na kahusayan ay kanilang pinapaunlad upang mabigyan sila ng disenteng hanap-buhay. Ngunit nakalulungkot dahil marami pa rin sa ating mga Pilipino ang hinahamak ang mga taong pumapasok sa ganitong linya ng pag-aaral. Nakatutuwang malaman na nitong nakalipas na taon lamang ay ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang isang pagsusulit upang matukoy kung anong propesyon ang nababagay na kunin ng mga nasa mataas na paaralan kapag sila ay tumuntong na ng kolehiyo. Ayon kay Rizal, dapat ay hayaan ng mga magulang at guro ang mga-mag-aaral na piliin ang bojasyon na nais nilang tahakin.
Bukod pa sa mga ideolohiyang ito, may mga kaisipang pang-edukasyon pa ang binanggit ni Rizal gaya na lamang ng mga dapat na katangian ng isang guro, hitsura ng paaralan, mga asignaturang dapat ituro. Ang ilan sa mga ideya niya ay passe na. Ilan dito ay hindi na angkop sa pangkasalukuyang panahon, subalit ang apat na pangunahing ideolohiya niya ay patuloy pa ring nababagay sa ating panahon kahit ang mga ito ay tinuran ni Rizal ilang dekada na ang lumipas.
Hindi na angkop na sisihin natin ang mga mananakop na Espanyol, Amerikano at Hapones sa kasadlakan ng ating edukasyon. Malaya na nga tayo. Ngunit, marami sa atin ang nakagapos pa rin sa kamangmangan. Marami ang hindi nabibigyan ng magandang edukasyon. Marami ang nalumon sa kahirapan dahil sa kamangmangan. Isang hamon sa lahat ang kalagayang ito. Wika nga ni Rizal—ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ngunit paano magiging pag-asa ng bayan ang kabataang walang alam. Hindi pa huli ang lahat. May magagawa pa tayo, gaya ni Rizal, sa ating munting kapamaraanan.
Sanggunian:
Africa, Bernabe
Alip, Eufronio. Alip and Sons. Manila. 1957
Daroy, Petronilo. Rizal Contrary Essays. Guro Books. 1968
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment