Tuesday, February 17, 2009
Mr. Overtime
Nagulat at napangisi ako noong Sabado nang lapitan ako ni Dr.Dina Ocampo at kumustahin.
"Kumusta na si Mr. Overtime?"
May bagong palayaw na pala ako. "At paano naman nalaman ni Teacher Dina na ako si Mr. Overtime?" isip-isip ko. Ah, baka nabanggit ni T. Hazelle, 169 prof, yung pangyayari nung individual demonstration teaching ko.
Ika-25 ng Setyembre, muntik ko nang maitawid ang naantala kong straight teaching. Walang tulog. Pagod ang katawan at puso. Pati ang aking kaluluwa ay nababagabag. Ngunit pinilit kong humarap sa I-Agila nang nakangiti at animo'y maayos ang lahat. Puno ang pitaka, malalim ang pagtulog, busog ang tiyan, magaan ang puso.
Bagamat hindi ko na-ensayo ang aking banghay-aralin, buong tapang kong itong ibingay kay T.Hazelle, bahala na.
2:40 ng hapon. Halata sa pananalita ko na nangangapa ako. 'Di ko maapuhap ang susunod na pangungusap kaya pasulyap-sulyap ako sa papel na nasa paanan ko.
Lumipas ang ilan pang sandali at babasahin ko na ang kuwento ni "Strega Nona". Ipinakita ko ang pabalat ng aklat sa mga bata. Maya-maya ay may nagkumento.
"I think that's boring."
Kalmado ko syang sinagot. "Okay, you'll find later if this story is boring or not." Hindi ako pwedeng mainis o magalit, 'yon ang opinyon niya e. At bata 'yon. Ngunit sa aking palagay ay hindi "boring" ang istorya ni Strega Nona. Hinanapan ko pa nga ng nota ang ilang mga linya at kinanta sa harapan. Basahin ni'yo na lang nang mapatunayan.
At sa katapusan ng kuwento, nahimok ko sila sa paniniwalang hindi "boring" ang istorya namin noong hapong iyon at ang nalalabi pa naming oras.
Napansin ni T. Hazelle, Doc, at T.Ysa na masaya ang mga bata sa mga inihanda kong gawain. Batid ko ang kagalakan sa kanilang "kumikislap" na mga mata, matatamis na ngiti at halakhakan. Sana ganoon din katindi ang saya na nararamdaman ko. Sana ay kayang lunurin ng kanilang kagalakan ang aking pagdadalamhati.
4:30. Natapos na ang GOLD plan ko. Wala na akong oras. 120 minuto na akong nagsalita, naglakad-upo, nagdikit, naggupit. Hindi ko natapos sa loob ng 2 oras ang 4 prongs. Natira ang TS plan na pinagpuyatan ko.
Kasalanan ko. 'Di ko binantayan ang oras. Salamat na lang at 'di namalayan ng mga bata na uwian na. Pagod na rin naman ako.
Nagdaan ang isang linggo, bumalik ako ng UPIS at tinapos ang sinimulan ko.
"Mr.Overtime" nga ako.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment