Sa wakas ay natupad na din ang pangarap ko sa sarili na makalikha ng isang kuwentong pambata. Ikatlong pagtatangka ko na 'to at buti naman ay nagtagumpay ako.
Sa unang dalawang "kuwento" ay bigla na lamang akong tumitigil sa kalagitnaan ng pagsasalaysay. Nakokornihan, nabababawan at napapangitan sa mga pinagsusulat ko. Iyong unanng kuwento, hindi ko na maalala kung saan ko nilagay yung draft. Iyong pangalawa, lukut-lukot na at nakikipagsiksikan sa mga readings ko at retaso ng ultrabrites.
Kakaiba ang karanasan ko sa paghabi ng una kong ganap na kuwento. Nakasakay ako sa bus na Santrans, galing ng Bulacan patungo ng Recto. Habang nasa NLEX at pinagmamasdan ang malawak na mga palayan ay bigla kong naisip ang isang 'to. Malinaw na malinaw ang gusto kong takbo ng kuwento. Kaya naman agad akong kumuha ng 1/index card at HBW bolpen. Kahit na lagpas-lagpasan sa mga asul na linya ang mga letra ay pinlit ko pa ring isahod ang mga dumadaloy na ideya sa papel na 'yon.
May naghagis pa ng paputok sa bandang upuan ko nung nasa Caloocan na kami.
Pagdating ko ng Recto, 'di pa rin tapos ang kuwento. Pinahinog ko pa lalo sa isipan ko. Linggo, nilimliman ko pa rin. At nitong umaga lang ay nakipagtulungan ako sa kapatid kong si Apple, 12 taong gulang. Binasa ko sa kanya ang mga naisulat ko at hiningi ang kanyang opinyon. Napilit ko siyang maging taga-sulat ng karugtong ng kuwento.
Bago pa magtanghalian ay buo na ang kuwento pinakaaasam ko. Habang papunta ulit ako ng Recto ay binasa ko ang first draft na parang kinalahig ng siyam na manok ang pagkakasulat.
Natuwa ulit ako.
No comments:
Post a Comment