Pasintabi sa mga hindi nakakaalam ng mga lugar na babanggitin ko.
9:30, sumakay ako ng dyip sa SM Fairview, pauwi ako ng Bulacan. (Lagi naman)
No'ng nasa Tungkong Mangga na ako, napansin ko ang isang matandang babae na may hawak-hawak na tungkod na nakaupo sa pinakahulihan ng dyip. Siguro ay 65 taong gulang na siya. Maputi na ang lahat ng mga buhok. Nakadaster (nang bonggang-bongga), with matching bandana pa. At kapit na kapit siya sa bakal na katabi niya.
Medyo kaskasero ang drayber at napakalakas magpatugtog ng mga remixed songs kahit alas-nuwebe na ng gabi at ayaw buksan ang lahat ng ilaw sa loob ng dyip.
Nag-aalala ako kay lola dahil kaharap ko siya. kahit medyo abala ako sa pagbabasa ng mga tula ni Shel Silverstein ay iniisip ko pa rin ang kalagayan ni lola.
Baka bigla siyang mahulog.
Baka makatulog siya at lumapas sa babaan niya.
Baka malabo na mata niya at di niya alam na nasa bahay na siya ng drayber.
Bakit naman kasi gabing-gabi na ay nasa lakwatsahan pa rin si Lola? Tsk tsk tsk.
Sa wakas ay nagsalita siya no'ng malapit na siya sa bababaan niya. Salamat, buhay siya. Nagsasalita, at mukhang malakas pa. Malinaw ang paningin dahil alam niyang malapit na siyang bumaba. Pagkakataon ko na 'to upang tumulong at magpakamaginoo.
Tumayo si lola. Nakakurba ang likod. Inaabot niya ang bakal na hawakan na nasa tabi ko. Nahihirapan siya. Inalalayan ko siya. Hinawakan ko ang kanyang "kulubuting" kamay na pilit inaabot ang bakal na hawakan. Pero, teka, bakit parang naninigas si lola?
Nagpupumiglas. Wala naman akong balak kidnapin siya.
"Huwag mo akong hawakan, 'di ko maabot yung hawakan", pagalit na sambit ni lola habang tangan-tangan ko ang kaliwang kamay niya.
Ay, kaya naman pala. Kaya naman pala niya. Napahiya yata ako kay lola.
No comments:
Post a Comment